Kumalas na si Sen. Mark Villar sa minority bloc at pormal nang sumama sa mayorya ng Senado, kinumpirma ni Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri nitong Huwebes, October 8.
Naging malinaw ang paglipat matapos ihalal si Villar bilang miyembro ng Commission on Appointments (CA) at italaga bilang chairman ng Senate Committee on Public Works sa plenary session.
“Yes, we just elected him to the CA and Public Works Committee as part of the majority,” ani Zubiri nang tanungin kung miyembro na ng majority bloc si Villar.
Sa paglipat, iniwan ni Villar ang minority bloc na pinamumunuan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano. Sampung senador na lamang ang natira sa grupo matapos ang kanyang pag-alis.
Kabilang sa minority sina Sen. Loren Legarda, na naka-medical leave, Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Rodante Marcoleta, na parehong detained, at Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na nananatiling hindi nagpapakita sa publiko.
Ang hakbang ni Villar ay dumating wala pang dalawang linggo matapos siyang bumoto nang taliwas sa kanyang mga kasama sa minority sa isang mahalagang usapin sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Noong September 23, si Villar ang nag-iisang miyembro ng minority bloc na lumahok sa botohan para baligtarin ang naunang 16-vote threshold na itinakda ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero para sa conviction ni Duterte.
Bumoto si Villar kasama ang 12 iba pang senator-judges para i-overturn ang naturang ruling, habang si Escudero lamang ang bumoto laban dito.
Hindi lumahok sa threshold vote sina Cayetano, Sens. Pia Cayetano, Bong Go, Imee Marcos, Robin Padilla at Camille Villar, kapatid ni Mark Villar.
Sa kabila nito, iginiit pa ni Cayetano noong September 25 na nananatiling miyembro ng minority si Villar at walang alitan sa kanilang grupo.
“He’s staying to the minority,” pahayag ni Cayetano noon.
Paliwanag din noon ni Cayetano, walang majority o minority alignment pagdating sa impeachment court dahil kumikilos ang bawat senador bilang senator-judge at hindi bilang miyembro ng kanilang legislative bloc.
Makalipas ang halos dalawang linggo, tuluyan nang lumipat si Villar sa majority bloc.
Bago ang opisyal na kumpirmasyon, lumutang na nitong Miyerkules ang mga ulat na naghahanda si Villar na kumalas sa minority at lumipat sa grupo ni Zubiri. /Bistado


