Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Mambabatas sa SOCOTECO II members: Bumoto sa plebisito

Hinikayat ni Sarangani Rep. Steve Chiongbian Solon ang mga member-consumer-owner (MCO) ng South Cotabato II Electric Cooperative Inc. (SOCOTECO II) na bumoto sa plebisito kaugnay ng proposed joint venture ng kooperatiba sa IGNITE Power and Energy Holdings Inc.

Papasok sa ikatlong weekend sa Sabado ang apat na weekend na plebisito, kung saan direktang magpapasya ang mga MCO sa magiging direksyon ng SOCOTECO II at serbisyo ng kuryente sa General Santos City, South Cotabato at Sarangani.

Ayon kay Solon, mahalagang gamitin ng mga miyembro ang kanilang karapatang bumoto dahil hindi lamang kooperatiba ang maaapektuhan ng resulta.

“Pagkakataon ito upang direktang makapagpahayag ng saloobin sa isang usaping maaaring makaapekto sa ating sektor ng kuryente at pag-unlad ng rehiyon sa mga susunod na taon. Ang kapakanan ng mamamayan ang dapat mangibabaw sa desisyong ito,” ani Solon.

Nakasalalay din sa magiging resulta ang mga komunidad, negosyo, paaralan, health facility at iba pang institusyong umaasa sa maaasahang suplay ng kuryente.

Dahil sa mga usapin sa supply at pagkaantala ng serbisyo, sinabi ni Solon na kailangang suriing mabuti ng mga MCO ang mga impormasyon at argumento bago bumoto.

Iginiit din niyang dapat igalang ang pasya ng mga miyembro anuman ang kalabasan ng plebisito.

“Napakahalaga ng kanilang pakikilahok. Anuman ang kanilang piliin ay dapat igalang bilang pagpapahayag ng kanilang karapatan at pananagutan sa paghubog ng kinabukasan ng kanilang mga komunidad,” aniya.

Layunin ng proposed SOCOTECO II-IGNITE joint venture na gawing moderno ang distribution infrastructure ng kooperatiba at mapahusay ang serbisyo ng kuryente sa mga nasasakupan nito. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles