Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

PBA Govs’ Cup, magbabalik na matapos ang FIBA, Asiad break

Matapos ang mahigit isang buwang paghinto, balik aksyon ang PBA Season 50 Governors’ Cup.

Magpapatuloy ang liga sa Miyerkules sa Ninoy Aquino Stadium (NAS) sa Maynila sa laban ng NLEX kontra Macau 5:15 p.m., na susundan ng TNT kontra Terrafirma 7:30 p.m. 

Magiging debut game rin iyon ni Nick Hornsby para sa Tropang 5G matapos niyang kunin ang puwesto bilang import mula kay Rahlir Hollis-Jefferson na may injury.

Huminto ang PBA matapos ang mga laro noong Agosto 14 upang bigyang-daan ang FIBA Asia World Cup Qualifier na ginanap sa Pilipinas at ang katatapos lamang na 20th Asian Games sa Nagoya, Japan.

Sa Biyernes na muling gaganapin sa NAS, maghaharap ang Magnolia at Blackwater bago ang laban ng Barangay Ginebra at Rain or Shine.

Ilalahad ng Gin Kings ang bago nilang reinforcement na si Jordan Murphy, kapalit ng may injury din na si Justin Brownlee.

Sa Sabado sa Ynares Center Antipolo, magkakasubukan ang Terrafirma at Macau na susundan ng bigatin na laban sa pagitan ng back-to-back Philippine Cup titlist na San Miguel Beer at TNT.

Tatapusin ang Week 1 sa Linggo sa Araneta Coliseum sa Quezon City sa laban ng Converge at Titan Ultra, na susundan ng Ginebra kontra Magnolia.

Sa Group A, ang defending titlist na TNT ay nasa 4-4 — sapat lamang para sa ikaapat na puwesto — habang nakasunod dito ang Terrafirma sa 3-5. 

Nangunguna naman ang San Miguel Beer at NLEX na kapwa may 7-2, kasunod ang Converge na may 5-4. 

Top four lamang ang uusad sa crossover semifinals laban sa pinakamahusay na mga koponan mula sa Group B.

Mas dikit naman ang Group B. Nangunguna ang Rain or Shine sa 4-2, kasunod ang Magnolia na may 4-3, Phoenix na 4-3, Blackwater na 3-3, Meralco na 3-5 at Ginebra na 2-4.

May malalaking pagbabago rin sa mga patakaran na nakaayon na sa FIBA.

“Baka magtaka ang mga tao at sabihin nagpalit tayo ng rules in the middle of the season. Ginagawa natin ito para masanay ang mga players natin lalo na yung mga members ng Gilas sa bagong rules ng (international basketball federation) FIBA,” paliwanag ni commissioner Willie Marcial.

Sa ilalim ng bagong FIBA guideline, nahahati na sa dalawa ang unsportsmanlike fouls:

• Flagrant fouls — labis na physical contact — ay may kaparusahan na dalawang freethrow at ball possession. Ang manlalarong mapapatawan ng dalawang flagrant foul ay madidisqualify.

• Disruptive fouls — gaya ng paghawak sa isang manlalaro upang ihinto ang laro — ay may kaparusahan na dalawang free throw, ngunit ang maraming disruptive foul ay hindi magreresulta sa disqualification.

Hinahati rin sa dalawa ang technical fouls:

• Category 1 — halimbawa, kawalang-galang sa isang game official — at Category 2 — delay of game — ay kapwa may kaparusahan na isang free throw.

• Ang manlalarong mapapatawan ng dalawang Category 1 infraction ay madidisqualify. Parehong parusa ang ipapataw sa manlalarong mapapatawan ng isang Flagrant at isang Category 1 technical.

“Sa November gagawin ‘yung next window [FIBA Qualifier] so hopefully maka adjust ‘yung mga players natin,” ani Marcial.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles