Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Inflation sumipa sa 7.2% noong September, pagkain, kuryente at pamasahe pangunahing nagtulak

Sumipa sa 7.2 porsiyento ang inflation rate ng Pilipinas noong September 2026 mula 6.1 porsiyento noong August, tinapos ang apat na sunod na buwang pagbagal ng pagtaas ng presyo, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Ito rin ang pinakamataas na inflation rate mula April 2026, nang umabot din sa 7.2 porsiyento ang inflation rate.

Dahil dito, umakyat sa 5.4 porsiyento ang average inflation mula January hanggang September 2026, higit sa 2 hanggang 4 porsiyentong target range ng gobyerno. Noong September 2025, nasa 1.7 porsiyento lamang ang inflation.

“Ang pangunahing dahilan ng mas mataas na antas ng inflation para sa buwan ng Setyembre 2026 kumpara noong buwan ng Agosto 2026 ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng Food and Non-Alcoholic Beverages na may 6.7% inflation rate,” ani National Statistician Claire Dennis Mapa.

Mula 4.6 porsiyento noong August, bumilis sa 6.7 porsiyento ang inflation sa food and non-alcoholic beverages.

Sumipa rin sa 8.4 porsiyento mula 7.9 porsiyento ang inflation sa housing, water, electricity, gas at other fuels, habang umakyat sa 14.6 porsiyento mula 13.5 porsiyento ang transport.

Pinakamalaking ambag sa overall inflation ang pagkain at non-alcoholic beverages na may 35.8 porsiyentong share o 2.6 percentage points. Sumunod ang housing at utilities na may 24 porsiyentong share o 1.7 percentage points, at transport na may 18.3 porsiyento o 1.3 percentage points.

Mas mabilis din ang food inflation, na umakyat sa 6.8 porsiyento mula 4.6 porsiyento noong August.

Malaking nagtulak dito ang vegetables, tubers, plantains, cooking bananas at pulses, na nagkaroon ng 10.7 porsiyentong pagtaas matapos ang 3.4 porsiyentong pagbaba noong nakaraang buwan.

Umakyat din ang rice inflation sa 20.3 porsiyento mula 19.4 porsiyento. Bumilis sa 7.4 porsiyento mula 6.6 porsiyento ang fish and seafood, habang sumipa sa 8.7 porsiyento mula 5.8 porsiyento ang fruits and nuts.

Pumalo naman sa 4.7 porsiyento ang core inflation, na hindi kasama ang piling food at energy items, mula 4.1 porsiyento noong August at 2.6 porsiyento noong September 2025.

Sa Metro Manila, umakyat sa 5.4 porsiyento ang inflation mula 4.1 porsiyento noong August.

Mas mabilis ang pagtaas sa areas outside the National Capital Region, kung saan umabot sa 7.6 porsiyento ang inflation mula 6.6 porsiyento.

Sa 15 rehiyong nakapagtala ng mas mataas na inflation sa labas ng NCR, pinakamataas ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa 9.7 porsiyento.

Pinakamababa naman ang Mimaropa sa 5.9 porsiyento. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles