P319 milyon mula sa mga kumpanyang nasa China ang umano’y pumasok sa Cale88 Foods Corporation, isang kumpanyang iniuugnay kay Atty. Manases “Mans” Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, ayon sa offer of testimony ng House prosecution sa Senate impeachment court nitong Lunes, October 5.
Iniharap ni private prosecutor Atty. Mae S. Divinagracia ang inaasahang testimonya ni Anti-Money Laundering Council (AMLC) Executive Director Atty. Ronel U. Buenaventura bilang bahagi ng Article II ng impeachment case, na tumatalakay sa alleged unexplained wealth at umano’y hindi tapat na deklarasyon sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs).
“Money from China poured into a food manufacturing company of her husband,” ani Divinagracia.
Nilinaw naman sa proceedings na hindi pa aktuwal na tumetestigo si Buenaventura tungkol sa substance, context o pinagmulan ng Cale88 transactions sa bahaging ito ng pagdinig.
Ayon sa offer ng prosecution, itinatag ang Cale88 Foods Corporation noong 2021 at umano’y may hawak na 47.5 porsiyentong shares si Carpio.
“Ang Cale88 Foods Corporation, na itinatag lamang noong 2021 at 47.5 percent ng shares ay hawak ni Atty. Carpio, ay tumanggap ng ₱319 million na remittance mula sa mga kumpanya sa China,” ani Divinagracia.
Tatlo sa mga remittance ang umano’y iniulat ng isang bangko bilang suspicious transactions.
“Tatlo rito ang iniulat ng bangko bilang kahina-hinala: walang legal or trade obligation, walang layunin, at walang katwirang pang-ekonomiya,” sabi niya.
Hindi pa tinukoy sa offer kung aling mga kumpanya sa China ang nagpadala ng pera, kailan ginawa ang bawat remittance, magkano ang bawat transaction o ano ang nakasaad na commercial purpose ng mga ito.
Hindi rin sinabi ng prosecution na personal na bank accounts ni Carpio ang pinasukan ng P319 milyon.
Inaasahang ilalatag pa ang mga detalyeng ito sa direct examination ni Buenaventura at sa AMLC records.
Bukod sa Cale88 transactions, sinabi rin ng prosecution na halos P4.5 bilyon ang kabuuang pumasok at lumabas mula 2022 hanggang 2025 sa 15 corporations kung saan umano’y may interests sina Duterte at Carpio.
“Their companies moved billions more,” ani Divinagracia.
“Mula 2022 hanggang 2025, halos ₱4.5 billion ang kabuuang pumasok at lumabas sa 15 korporasyon kung saan may interes ang mag-asawa,” dagdag niya.
Hiwalay pa umano rito ang P4.4 bilyong transactions na direktang iniuugnay ng prosecution kina Duterte at Carpio mula 2007 hanggang 2025.
Ayon kay Divinagracia, hindi bababa sa P1.6 bilyon ang pumasok sa accounts ng mag-asawa, hindi bababa sa P1.3 bilyon ang lumabas, habang nasa P1.4 bilyon ang hindi ma-classify bilang inflow o outflow.
Sinabi niyang nakabatay lamang ang figures sa covered at suspicious transaction reports na isinumite sa AMLC.
Nauna umanong iniulat ng AMLC sa House noong April 2026 ang P6.77 bilyong aggregate transactions, ngunit bumaba ito sa P4.4 bilyon matapos itama ng Bank of the Philippine Islands ang isang error sa reporting system nito, ayon sa prosecution.
Kabilang din sa mga gustong patunayan sa pamamagitan ng AMLC witness ang P41 milyong cash transactions na iniuugnay kay Carpio noong August 6, 2024, mga tsekeng nagkakahalaga ng P14,881,692 na umano’y nakapangalan kay Duterte bilang beneficiary, at paulit-ulit na suspicious transaction reports.
Sinabi ni Divinagracia na may 34 suspicious transaction reports sa file ni Duterte.
Tinukoy din niya ang 27 derogatory reports kaugnay ni Duterte at 17 kaugnay ni Carpio, na may reported categories kabilang ang graft and corrupt practices, malversation of public funds, possible drug links at transactions na konektado umano sa flood-control anomalies.
“Banks and insurers report these transactions because this is how dirty money moves,” ani Divinagracia.
Gayunman, ang pagkakaroon ng suspicious transaction report ay hindi awtomatikong katumbas ng finding of criminal wrongdoing. Bahagi pa ng presentation ng prosecution ang pagpapatunay sa kabuluhan at konteksto ng mga records.
Ayon kay Divinagracia, mula mismo sa institutional reports na natanggap, itinago at isinumite ng AMLC sa impeachment court noong July 30, 2026 ang financial figures na ilalatag ng prosecution.
“Every figure comes from the banks’ own reports,” ani Divinagracia. /Bistado


