Dapat imbestigahan ng mga kinauukulang awtoridad ang alegasyon ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na may malaking pondong nagmula umano sa China na pumasok sa mga negosyong iniuugnay kay Vice President Sara Duterte at sa kanyang pamilya, ayon kay House trial spokesperson Zia Alonto Adiong.
Sinabi ni Adiong nitong Linggo, October 4, na seryoso ang mga alegasyon at hindi dapat basta isantabi, lalo na kung may posibleng koneksyon sa foreign influence at mga indibidwal na iniuugnay sa illegal business transactions.
“Well, definitely, kung ito’y may allegation ng ganito—ganito ang association ng foundation na ito sa mga Chinese nationals, especially kung ang name-mention na mga pangalan ay may mga records na nasasali sila sa mga illicit business transactions, mga illegal business transactions tulad ng illegal drugs, eh talagang kailangan itong tingnan nang maayos,” ani Adiong.
Ayon sa alegasyon ni Trillanes, mahigit P319 milyon umano ang natanggap ng Tapang at Malasakit Foundation at Cale88 Foods Corp. mula sa Chinese government.
Si Duterte ay iniulat na miyembro ng board of trustees ng Tapang at Malasakit Foundation, habang ang Cale88 Foods Corp. ay banana chip company na pag-aari ng asawa niyang si Atty. Manases Carpio.
Ayon kay Adiong, kabilang ang National Bureau of Investigation sa mga ahensyang maaaring tumingin sa naturang alegasyon.
“Well, I think partly NBI. That’s one, no? Pupwede. Kasi investigative body naman ng NBI. And these are serious allegations. So titingnan natin, without preempting, what would be the possible course of action following this revelation. Mukhang hindi ito dapat binabalewala, no?” sabi niya.
Para kay Adiong, lumalampas sa impeachment case ang posibleng implikasyon ng alegasyon kung mapatutunayang may foreign country na naglalagay ng impluwensya sa Philippine political system sa pamamagitan ng financial channels.
“Pinaguusapan po natin kung mayroon man itong connection doon sa pag-iinterfere ng isang foreign country sa isang—tulad halimbawa ng political—sa ating political landscape, no? It will be a direct interference kung meron mang interference in our elections,” ani Adiong.
Nilinaw naman niyang hindi niya alam na ilalabas ni Trillanes ang partikular na alegasyon tungkol sa China funding.
Ang alam lamang umano niya ay ang mga naunang alegasyon ng dating senador tungkol sa bank records ng Duterte family at sa mga sinasabing transaksyon kay businessman at suspected drug lord Sammy Uy.
Sa impeachment trial, nananatiling nakatutok ang prosecution sa Article II at sa financial records na may kaugnayan sa alleged unexplained wealth ni Duterte.
Ayon kay Adiong, mahalaga sa prosecution kung ano mismo ang maipapakita ng records ng Anti-Money Laundering Council tungkol sa mga financial transaction na dumaan sa accounts ni Duterte at kung ang mga ito ay wastong na-reflect sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth.
“As to the sources, ‘yun po ‘yung hindi natin masasabi. We need also to confirm from other individuals, kasi unang-una, ang task talaga ng prosecution ay ipakita na hindi naging transparent at mayroong violation siya doon sa SALN policy, sa batas na dapat ideklara ang kanyang SALN,” ani Adiong.
Kailangan pa aniyang ma-corroborate ng ibang authorized individuals at institutions ang pinagmulan ng mga pondong tinutukoy sa mga alegasyon. Dito magiging mahalaga ang testimonya ni AMLC Executive Director Ronel Buenaventura.
Hindi pa katumbas ng finding of wrongdoing ang mga alegasyon ni Trillanes. Kailangan pa itong maimbestigahan at masuportahan ng ebidensya mula sa mga awtoridad at kaukulang institusyon.
Pero para kay Adiong, sapat ang bigat ng mga alegasyon para busisiin.
“Sabi ko nga, kaya mga eyebrow-raising itong mga revelation na ito,” ani Adiong. /Bistado


