Nagdagdag ang Pilipinas ng huling silver medal sa kanilang medal tally sa Aichi-Nagoya Asian Games nitong Sabado.
Tinalo ni Alexandria Luz Enriquez si Narankhishig Baasanjargal ng Mongolia para umabante sa finals ng women’s -63kg jiu-jitsu, kung saan natalo siya kay Senathan Orapa ng Thailand.
Binawian ni Baasanjargal ang Pilipina na si Andrea Lois Lao sa laban para sa bronze medal.
Tinapos ng Team Philippines ang kampanya nito sa quadrennial tournament na may apat na gold, siyam na silver at 16 na bronze.
Unang naka-dalawang ginto si Carlos Yulo sa gymnastics at sinundan ni Ernest John Obiena sa pole vault.
Nabigo sa inaasahang ginto sina Alexandra Eala ng tennis (bronze) at Carlo Paalam ng boksing (silver).
Nanguna ang Thailand sa mga bansa sa Southeast Asia sa ika-anim na puwesto na may 18 gold, 13 silver at 20 bronze.
May 9-5-16 naman ang Malaysia (No. 11), habang 5-10-23 ang Indonesia (No. 15).
Mas mahusay ang pinakita ng Pilipinas kumpara sa 4-2-12 noong 2023 Hangzhou, China Games.
Samantala, si taekwondo gold at bronze medalist Jeus Gabriel Derick Yape ang magdadala ng bandila ng Pilipinas sa parade of athletes at closing ceremony sa Linggo, na nakatakda alas-5 ng hapon (oras sa Pilipinas) sa Nagoya City Mizuho Park Athletics Stadium.
Nanguna si Yape sa mixed virtual taekwondo, isang open-gender event na pinagsasama ang combat sports, virtual reality at motion-tracking technology, noong Biyernes upang itampok ang pinaka matagumpay na 1-3-1 gold-silver-bronze ng mga Filipino jins.
Nakuha rin ng standout ng University of Santo Tomas ang bronze sa men’s individual poomsae.
Makikibahagi rin sa closing ceremony sina silver medalist Juliana Mykhail Candelaria, Tachiana Keizha Mangin at Kurt Barbosa ng taekwondo; at si Paalam.
Sina 2024 Paris Olympics boxing bronze medalist Aira Villegas at world junior weightlifting champion Albert Ian de los Santos ang nagsilbing flagbearer sa opening ceremony noong Setyembre 19.


