Nakatakdang buhayin ng Subic Bay Freeport Zone sa Zambales ang reputasyon nito bilang pangunahing destinasyon para sa sports.
Dalawang international event ang nais idaos sa Subic sa 2027 — Philippine Ladies Golf Open Championship at isang Women’s Tennis Association (WTA) tournament — sa pakikipagtulungan sa Philippine Sports Commission (PSC).
Nagkasundo sina PSC Chairperson Patrick Gregorio at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairperson Eduardo Alino na dalhin sa Subic ang dalawang prestihiyosong kompetisyon.
Layunin nitong hindi lamang muling pasiglahin ang mga sports facility sa lugar kundi muling ipakilala ang Freeport Zone bilang isang world-class sports tourism hub.
“Subic has the potential to be the breeding ground of the nation’s finest athletes while standing tall as a remarkable sports tourism destination. Hosting world-class tournaments there will inspire communities and elevate Philippine sports to global standards,” ani Gregorio.
Hindi na bago sa Subic Bay ang pagho-host ng mga international sporting event.
Regular itong nagdadaos noon ng mga triathlon race dahil sa malilinis nitong dalampasigan at maayos na mga kalsada.
Naging venue rin ang Freeport Zone ng mga multi-nation meet gaya ng Southeast Asian (SEA) Games noong 2005 at 2019.
Gayunman, mula nang idaos ang 2019 SEA Games, bihira nang magamit para sa international competition ang mga pasilidad tulad ng track oval at football pitch ng Remy Field, ang SBMA gymnasium, mga tennis court at beach volleyball court.
“Upgrading these facilities is essential, not only to attract athletes and fans but also to encourage people to embrace a healthy lifestyle and invest in Subic as a sports and tourism destination,” ani Alino.
Sinimulan ni Gregorio ang kanyang pagbisita sa Subic sa Subic International Golf Club (SIGC), kasama sina Philippine Tennis Association (PTA) secretary general at Navotas City Mayor John Rey Tiangco.
Nakipagpulong sila kina SIGC president/COO Rei Miyamoto, general manager Delnar De Vera, EVP Narumi Atarashi at SMBA Director Honorio Allado upang pag-usapan ang posibleng pagho-host ng Philippine Ladies Golf Open Championship sa Pebrero 2027.
Pinag-aaralan ng PSC, SIGC at SBMA ang isang tatlong taong partnership kasama ang National Golf Association of the Philippines para sa pagho-host ng torneo, na mag-iimbita sa pinakamahuhusay na babaeng golfer mula sa Asya.
Ipinasyal ni Allado si Gregorio sa Subic Bay Sports Complex, na kinaroroonan ng makasaysayang Remy Field, isang 2,000-seater gymnasium, apat na covered tennis court, isang beach volleyball court at 25-meter pool, na lahat ay nangangailangan ng upgrade at pagkumpuni.
Magiging katuwang ng PSC at SBMA ang PTA sa pagho-host ng WTA tournament.
Nagkasundo sina Gregorio at Alino na ituloy ang pagsasaayos ng mga pasilidad gamit ang pondo ng PSC at SBMA, sa layuning maibalik ang dating sigla ng Subic Bay Sports Complex.
Patuloy na nakikipagtulungan ang PSC sa mga local government unit at iba’t ibang ahensya upang maisaayos o makumpleto ang mga hindi natapos na sports facility sa buong bansa.
Ang parehong estratehiya ay ilalapat ngayon sa Subic upang matiyak na muli itong manumbalik bilang isa sa sentro ng international sports.
“The PSC is committed to delivering on its promise. Hosting international tournaments is not just about upgrading facilities, it’s about uplifting the entire community, inspiring athletes, and showcasing the Philippines as a world-class sports destination,” ani Gregorio.


