Kinasuhan ng graft sa Office of the Ombudsman si Laguna Gov. Sol Aragones at ilang provincial officials kaugnay ng P15,500 financial assistance sa bawat beneficiary ng provincial government’s examination review program.
Inihain ang reklamo noong Lunes, September 28, nina Laguna Board Members Lorenzo “Boy” Zuñiga Jr., Karla Monica Adajar-Lajara at Princess Diane Lajara, kasama si Calamba City Councilor Christian Niño Lajara.
Inakusahan ang respondents ng umano’y paglabag sa Sections 3(e) at 3(g) ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Sentro ng reklamo ang P15,500 na inilaan sa bawat reviewee. Ayon sa complainants, ipinapa-turn over umano sa beneficiaries ang naturang halaga para ibayad sa isang private review center.
Hinihiling nilang siyasatin kung dapat dumaan sa government procurement process ang arrangement sa halip na direktang ilabas ang pondo sa beneficiaries.
Kinuwestiyon din nila ang P15,500 na halaga kada reviewee dahil may ibang review centers umanong nag-aalok ng comparable services sa humigit-kumulang P6,000.
Kasama rin sa reklamong nais ipasuri ang legal at budgetary basis ng programa, billing logs at disbursement records. May alegasyon din tungkol sa fabricated, falsified o invalid diplomas at certificates of indigency na isinumite ng ilang applicants.
Nauna nang itinanggi ni Aragones ang iregularidad. Ayon sa kanyang panig, ang P15,500 ay nakalaan sa review center fees at hindi personal allowance ng beneficiaries.
Matapos maisampa ang reklamo, kinondena naman ng gobernador ang pagkalat nito sa social media bago pa makatanggap ang kanyang tanggapan ng opisyal na kopya.
“Mariing kinokondena ang ginawang pagpapakalat nito sa social media bago pa man natatanggap ng aming panig ang opisyal na kopya ng reklamo,” pahayag ni Aragones.
“Nais naming ipabatid na sa kasalukuyan ay hindi pa namin natatanggap ang opisyal na kopya ng nasabing reklamo. Hihintayin natin ang pormal na dokumento upang ito ay masusing mapag-aralan ng aming legal team,” dagdag niya.
“Kailanman ay hindi natin isasakripisyo ang ating integridad at pananagutan sa pampublikong paglilingkod,” ani Aragones.
Sinabi rin niyang maglalabas ang kanyang kampo ng buong formal response kapag natanggap at nasuri na ang reklamo sa tamang legal forum.
Nasa preliminary evaluation pa ng Ombudsman ang reklamo. Ang paghahain nito ay hindi pa finding na may administrative o criminal liability si Aragones o ang iba pang respondents. /Bistado


