Gamitin ang artificial intelligence (AI) para makatulong sa pag-aaral, pero hindi para palitan ang sariling pag-iisip ng estudyante.
Ito ang sentro ng bagong national framework na inilabas ng Commission on Higher Education (CHED) para sa responsableng paggamit ng AI sa colleges at universities sa buong bansa.
Sa ilalim ng CHED Memorandum Order No. 21, magbibigay ang komisyon ng guidelines sa 2,366 higher education institutions at 188,261 faculty members na nagsisilbi sa mahigit 5.8 milyong estudyante.
Sakop ng polisiya ang paggamit ng AI sa teaching, learning, research at institutional operations. Kasabay nito, nagtakda ang CHED ng safeguards para sa academic integrity, human judgment, data privacy at student welfare.
Hindi naman isang pare-parehong sistema ang ipipilit sa lahat ng paaralan.
Bibigyan ang higher education institutions at faculty ng flexibility na magtakda kung paano gagamitin ang AI batay sa kanilang learning at institutional needs at access sa teknolohiya.
Malinaw naman ang pangunahing prinsipyo ng CHED.
“Students must learn how to think before they learn how to prompt,” ayon sa komisyon.
Ibig sabihin, dapat palakasin ng AI ang human thinking at hindi ito palitan.
Kailangan ding maging transparent ang mga estudyante sa paggamit nila ng AI.
Mas mahigpit naman ang human oversight kapag ginagamit ang teknolohiya sa mga desisyong may malaking epekto sa estudyante o faculty, kabilang ang grading, admissions, scholarships, student progression at faculty evaluation.
Bahagi ang polisiya ng pagtutulak na palakasin ang AI skills at responsableng paggamit ng emerging technologies habang naghahanda ang bansa para sa mga trabahong mas nakasandal sa teknolohiya.
Para sa CHED, puwedeng gamitin ang AI para mapahusay ang learning, research at operasyon ng mga paaralan, pero kailangang manatili sa tao ang judgment, accountability at responsibilidad. /Bistado


