Hindi basta-basta dapat higpitan ang social media sa Pilipinas.
Ito ang posisyon ng Malacañang sa panukalang obligahin ang social media platforms na kumuha ng congressional franchise bago makapag-operate sa bansa, kasabay ng pagtutok ng gobyerno sa proteksiyon ng kabataan laban sa harmful online content.
Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro nitong Biyernes, September 25, na kailangang pag-aralang mabuti ang panukala dahil hindi lamang mga kabataan ang gumagamit ng social media. Umaasa rin dito ang mga negosyo at iba pang sektor.
“So, dapat aralin, dapat balanse dahil hindi naman natin puwedeng matanggalan din ng karapatan ng ibang mga kababayan natin dahil sa mga nangyayari sa ating mga kabataan,” sabi ni Castro sa press conference sa Ilocos Norte.
Bukas si President Ferdinand Marcos Jr. sa mga hakbang para limitahan ang exposure ng kabataan sa harmful online content, pero nais niyang magkaroon ng “win-win” solution para sa users at social media platforms.
Pag-aaralan muna umano ni Marcos ang panukala bago magpasya.
“Dapat po win-win solution sa ating mga mamamayan at pati na rin po sa mga social media platforms,” ani Castro.
Kasabay nito, nanawagan ang Palasyo ng whole-of-nation approach laban sa school attacks, na iniugnay ni Castro sa pagkalat online ng tinatawag niyang “nihilistic violent extremism.”
Ayon sa Palace official, kailangang protektahan ang social media users, partikular ang kabataan, laban sa mga taong nagpapakalat ng violent extremism at disinformation.
Nanawagan din si Castro sa social media companies na makipagtulungan sa mga gobyerno laban sa maling paggamit ng kanilang platforms.
“Kailangan din po kayong magbigay ng inyong pangako at kung papaano ninyo rin po matutulungan ang bawat gobyerno, hindi lang ang Pilipinas, bawat bansa kung paano ninyo masusolusyunan ang mga ganitong klaseng problema. Hindi dapat puro kita lang, kailangan din ay may puso,” sabi ni Castro.
Wala pang pinal na posisyon si Marcos sa panukalang congressional franchise. Pag-aaralan muna ito ng Pangulo habang hinahanap ng administrasyon ang balanseng hakbang sa online safety at paggamit ng social media. /Bistado


