Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Pardon para kay Mary Jane Veloso, pinirmahan na ni PBBM

Pinirmahan na ni President Ferdinand Marcos Jr. ang absolute pardon para kay Mary Jane Veloso, ang Pinay na nakaligtas sa bitay sa Indonesia at nakabalik sa Pilipinas noong December 2024 matapos ang halos 15 taon sa kustodiya roon.

“Pinirmahan ko na ‘yung pardon niya kahapon,” pagkumpirma ni Marcos nitong Biyernes, September 25, sa sidelines ng kanyang pagbisita sa Eastern Visayas.

Dalawang araw bago nito, sinabi ng Malacañang na pinag-aaralan ni Marcos ang pagbibigay ng absolute pardon kay Veloso sa humanitarian grounds. Sinuri rin ng Office of the President ngayong taon ang kanyang apela para sa executive clemency.

Inaresto si Veloso sa Yogyakarta, Indonesia noong 2010 matapos matagpuan ang 2.6 kilo ng heroin sa kanyang bagahe. Hinatulan siya ng kamatayan noong taon ding iyon.

Mula pa noon, iginiit ni Veloso na inosente siya at biktima ng human trafficking. Ayon sa kanyang salaysay, niloko siya ng kanyang recruiters at pinagbitbit ng maleta nang hindi niya alam na may nakatagong heroin dito.

Nakalinya na siyang bitayin sa pamamagitan ng firing squad noong April 2015 nang mabigyan ng last-minute reprieve. Humiling ang gobyerno ng Pilipinas sa Indonesia na ipagpaliban ang kanyang execution para makapagtestigo siya laban sa kanyang umano’y human traffickers.

Matapos ang diplomatic engagements ng Pilipinas at Indonesia, ibinalik si Veloso sa Manila noong December 2024. Inilipat siya sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City para ipagpatuloy ang kanyang sentensiya sa ilalim ng Philippine jurisdiction.

Sinalubong naman ng Gabriela Women’s Party ang pardon at iniugnay ang desisyon sa matagal na kampanya ng pamilya at mga grupong sumuporta kay Veloso.

“Hindi kusang-loob na dumating ang kalayaan ni Mary Jane. Pinaglaban ito ng kanyang pamilya, mga migranteng Pilipino, taong simbahan, human rights defenders, women’s groups, lawyers, at mamamayang patuloy na nanindigan kahit ilang taon nang tila walang kasiguruhan ang kanyang paglaya,” sabi ni Gabriela Rep. Sarah Elago.

“Ang bawat pagkilos, protesta, petisyon, panawagan at pagtindig para kay Mary Jane ay bahagi ng tagumpay na ito,” dagdag niya.

“Her freedom is recognition of correcting the injustice done to Mary Jane,” ani Elago.

Nanawagan naman si Senator Francis “Kiko” Pangilinan na habulin at papanagutin ang human traffickers kasunod ng pardon kay Veloso. Binigyang-diin niya ang pangangailangang tutukan ang mga sindikatong nagsasamantala sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa.

Masayang sinalubong ng pamilya ni Veloso ang desisyon matapos ang mahigit isang dekadang panawagan para sa kanyang paglaya. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles