Maaari nang mag-apply online para sa Right to Care (RTC) Card sa pamamagitan ng QC eServices, ayon sa Quezon City government.
Sa QC eServices portal, maaaring magsumite ang mga aplikante ng mga kailangang dokumento at magtakda ng iskedyul para sa obligadong orientation. Hindi na kailangang pumunta nang personal para sa unang bahagi ng aplikasyon.
Kuwalipikado ang magkaparehang LGBTQIA+ kung pareho silang residente ng Quezon City o kahit isa sa kanila ay residente ng lungsod. Kailangan din ng valid na QCitizen ID at account sa QC eServices para mag-apply online.
Inilunsad noong 2023, kinikilala ng RTC Card ang magkapareha bilang mga taong maaaring magpasya para sa isa’t isa tungkol sa pangangalagang medikal sa mga healthcare facility sa Quezon City.
“Digital transformation should make government more accessible to everyone,” sabi ni Mayor Joy Belmonte. Ayon sa lungsod, bahagi ang online application ng pagpapadali sa pagkuha ng serbisyong ito.
May 245 online services sa 43 modules na ngayon ang QC eServices.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa RTC Card, maaaring tumawag sa 8988-4242 local 8739 o sa Helpline 122. /Bistado


