KALINGA – Arestado ng Philippine National Police (PNP) ang isang babaeng fugitive na listed bilang No. 5 Provincial Most Wanted Person ng Kalinga sa manhunt operation sa Barangay Junction, Pinukpuk, Kalinga.
Ayon sa PNP, pinangunahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Apayao Provincial Field Unit ang operasyon katuwang ang Regional Intelligence Unit 14 at territorial police units.
Naaresto ang akusada sa bisa ng walong warrants of arrest na inilabas ng mga korte sa Quezon City, La Trinidad sa Benguet, Pasig City, Pampanga, at Batangas mula 2023 hanggang 2026.
Kinilala lamang sa alias na “Kara” ang Filipino female suspect na nasa legal age at residente ng Pinukpuk, Kalinga.
Nahaharap siya sa 26 counts ng paglabag sa Batas Pambansa Blg. 22 sa ilalim ng apat na hiwalay na warrants.
May mga kaso rin siya ng Illegal Recruitment, Estafa, paglabag sa Republic Act No. 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016, at Falsification of Public Documents sa ilalim ng Article 172 in relation to Article 171 ng Revised Penal Code.
Isa sa walong warrants ay nag-ugat sa illegal recruitment case matapos umano niyang ipakita na kaya niyang magproseso ng overseas employment para sa isang biktima mula La Trinidad, Benguet sa pagitan ng April at May 2023.
Ayon sa ulat, tumanggap umano siya ng bayad para sa processing, visa application, at travel requirements, pero hindi naibigay ang ipinangakong trabaho at hindi na makontak pagkatapos.
Batay sa reklamo ng biktima, nakipag-ugnayan ang CIDG Benguet Provincial Field Unit sa Department of Migrant Workers (DMW).
Kinumpirma ng DMW na walang lisensya o awtoridad ang akusada para mag-recruit ng mga manggagawa para sa overseas employment.
Nauwi ang imbestigasyon sa pagsasampa ng mga kasong kriminal at paglalabas ng warrant of arrest laban sa suspek. /Bistado


