Umabot sa 7,123 residente mula sa 2,134 pamilya ang naapektuhan matapos lamunin ng malaking sunog ang Parola Compound sa Delpan, Binondo, Manila noong Sabado, May 23.
Sumiklab ang apoy bandang 3 p.m. sa Barangay 275, malapit sa Gate 46. Mabilis kumalat ang sunog sa dikit-dikit na bahay, karamihan gawa sa light materials. Umakyat ang alarma hanggang Task Force Charlie habang hirap ang firefighters na kontrolin ang blaze sa coastal area ng Manila Bay.
Dahil sa lawak ng sunog, nakipag-coordinate ang Manila City government sa Philippine Air Force para sa posibleng air-borne response. Pinayuhan din ang publiko na lumayo sa lugar habang nagpapatuloy ang operasyon.
Idineklarang fire out ang insidente bandang 1:16 a.m. nitong Linggo. Batay sa initial reports, 1,266 structures ang nasira. Kabilang sa mga naapektuhan ang 310 senior citizens at mahigit 2,700 minors. Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan as of writing.
Ngayong Linggo, May 24, personal na nagtungo si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa ground zero kasama si Vice Mayor Chi Atienza para inspeksyunin ang lugar at alamin ang pangangailangan ng mga residente.
Tumulong din si Manila Department of Social Welfare Chief Jay Dela Fuente sa pamamahagi ng ayuda sa mga pamilyang nawalan ng tirahan.
Bilang initial response, namahagi ang lungsod ng hot meals, drinking water, toiletries, at tents para sa mga residenteng napilitang lumikas at magpalipas ng gabi sa evacuation centers o open areas malapit sa fire scene.
Maraming evacuees ang dinala sa Delpan Sports Complex. May ilang pamilya namang nanatili malapit sa lugar ng sunog para magsalba ng gamit mula sa debris.
Kasabay nito, pinangunahan din ni Domagoso ang relief activity sa ilalim ng Kaagapay Program para sa District 1 residents sa Tondo. Noong May 23, nasa 2,509 beneficiaries ang nakatanggap ng aid sa Rosauro Almario Elementary School, kasama si Vice Mayor Atienza.
“Ang gusto ko, sa hirap ng buhay ngayon, gusto kong maramdaman ninyo iyong gobyernong hindi ninyo hinanap, iyong gobyerno mismo ang humanap sa inyo,” ani Domagoso.
Patuloy ang relief at recovery operations para sa mga nasunugan, lalo na sa minors, senior citizens, at iba pang vulnerable groups.
Patuloy ding inaalam ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog, habang sinusuri ng Manila government ang long-term recovery needs ng libu-libong residenteng nawalan ng tahanan. /Bistado


