Timbog ang apat na high-value individuals habang halos tatlong kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P18.47 milyon ang nasabat sa magkahiwalay na anti-illegal drug operations sa Pasay City at Butuan City noong September 25 at 26.
Sa Pasay City, isang Filipino suspect na nasa legal age ang inaresto ng NAIA-Inter-Agency Drug Interdiction Task Group sa isang mail processing facility sa Domestic Road noong September 25.
Nasamsam sa operasyon ang humigit-kumulang 743 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3,157,750.
Dinala ang suspek at nakumpiskang ebidensiya sa Philippine Drug Enforcement Agency Main Office para sa documentation, laboratory examination at proper disposition.
Kinabukasan, tatlo pang high-value individuals ang nalambat sa buy-bust operation sa Barangay Bancasi, Butuan City.
Isinagawa ang operasyon ng Police Station 3 ng Butuan City Police Office at Regional Police Drug Enforcement Unit 13.
Nakuha sa tatlong suspek ang humigit-kumulang 2,252 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P15,313,600.
Nasamsam din ang buy-bust money at iba pang non-drug items.
Nasa kustodiya ng RPDEU 13 ang tatlong naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensiya.
Sa pinagsamang operasyon sa Pasay at Butuan, umabot sa humigit-kumulang 2,995 gramo, o halos tatlong kilo, ang hinihinalang shabu na nasamsam. Kabuuang P18,471,350 ang tinatayang halaga nito. /Bistado


