Sampung umano’y colorum o unauthorized public utility vehicle (PUV) ang nahuli sa Northern Mindanao sa pamamagitan ng mga tauhang nagpanggap na ordinaryong pasahero.
Iniulat nitong Martes ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board-Northern Mindanao (LTFRB-Northern Mindanao) na nakakuha rin ito ng impormasyon tungkol sa mga operator na nasa likod umano ng colorum operations.
“We have no definite data yet on the total number of colorum units operating in the region, but through the Mystery Rider operation, we have already apprehended more or less 10 colorum units,” sinabi ni LTFRB-Northern Mindanao Operation and Project Development Officer Mohammad Hajam Sarip.
Itinuturing na colorum ang anumang sasakyan—kabilang ang motorsiklo—na nagsasakay ng mga pasahero nang walang kaukulang permit at registration. Karamihan umano sa mga ito ay orihinal na nakarehistro bilang private vehicles.
Sa ilalim ng Mystery Rider initiative, palihim na sumasakay bilang pasahero ang mga tauhan ng ahensiya upang matukoy ang mga PUV na bumibiyahe nang walang valid authority o lumalabag sa franchise conditions.
Sinabi ni Sarip na dumaraan muna sa verification ang impormasyong nakukuha mula sa mystery riders. Posible ring managot ang isang network ng mga operator kapag napatunayang tama ang nakalap na impormasyon.
Inatasan ni LTFRB-Northern Mindanao Director Alexes Joseph Bendijo ang mga transport inspector na ipagpatuloy ang pinaigting na operasyon laban sa unauthorized PUVs.
Kasabay nito, palalakasin din ang inspeksiyon sa roadworthiness ng mga sasakyan at pagsunod ng mga operator sa kondisyon ng kanilang prangkisa.
Saklaw ng roadside at terminal inspections ang lahat ng uri ng PUV. Sinusuri rito ang kanilang operating authority, kinakailangang dokumento, franchise compliance at pangkalahatang kondisyon at kaligtasan ng sasakyan.
Nagbabala ang LTFRB na sasampahan ng kaukulang enforcement action ang mga PUV na mapatutunayang bumibiyahe nang walang awtoridad o lumalabag sa umiiral na transportation laws at regulations. /Bistado


