Tinatayang ₱2.75 trilyon ang nawala sa ekonomiya dahil sa korapsyon at inflation mula ikalawang quarter ng 2025 hanggang ikalawang quarter ng 2026, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.
Inilahad ni Gatchalian ang halaga sa pagdinig ng Senate Ad Hoc Committee on Reinvigorate Investment and Sustainable Economic Growth (RISE) nitong Huwebes, September 24. Kasama sa tantiya niya ang aktuwal na pagkalugi at mga oportunidad na hindi natuloy.
Ayon kay Gatchalian, pinakamabagal ang paglago ng ekonomiya mula 2017 kung hindi isasama ang mga taon ng pandemya. Iniugnay niya ang paghina sa korapsyon at sa epekto ng kaguluhan sa Iran.
“Hindi pa naman too late, we’re not saying it’s too late. What we’re saying is we need to get ourselves in order. We need to strategize,” sabi niya.
Sa unang pagdinig ng komite, sinabi ng chair nitong si Sen. Risa Hontiveros na bumaba ang economic growth mula 3.9% noong ikatlong quarter ng 2025 sa 2.3% noong ikalawang quarter ng 2026. Layunin ng komite na pag-aralan ang mga repormang magpapalakas sa ekonomiya sa mas mahabang panahon.
Iniulat naman ni Department of Economy, Planning, and Development Undersecretary Reynaldo Cancio na humina ang kumpiyansa ng mga mamimili at negosyo kasabay ng mga usapin sa pamamahala. Bumagsak din ang pampublikong pamumuhunan, lalo na sa imprastraktura, habang nadagdagan ang panggigipit mula sa krisis sa Middle East.
Ayon kay Cancio, kumontra ng 6.5% ang kabuuang pamumuhunan sa unang kalahati ng 2026, matapos kumontra ng 5.9% sa huling kalahati ng 2025. Kumontra naman ng 32% ang public construction sa unang kalahati ng taon. Sa kabilang banda, lumago ng 10% ang exports, kumpara sa 6% sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Sa pagdinig, iminungkahi rin ang mas mahigpit na paghabol sa mga sangkot sa paglustay ng pondo, mas mura at maaasahang kuryente, at mga pangmatagalang tugon sa pangangailangan ng publiko. Ayon kay Hontiveros, ibabahagi ng komite ang mga matutuklasan at rekomendasyon nito sa Senate Committee on Finance para sa pagtalakay sa badyet. /Bistado


