Balik sa national budget ang bilyon-bilyong pisong pondo para sa flood control matapos itong alisin ngayong 2026 kasunod ng mga alegasyon ng korapsyon at ghost projects.
Sa panukalang ₱7.2-trilyong 2027 National Expenditure Program (NEP), ₱107.4 bilyon ang inilaan para sa flood control projects.
Kabilang dito ang ₱19.6 bilyon para sa nagpapatuloy na foreign-assisted projects. May hiwalay ding ₱3.41 bilyon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa maintenance ng flood-control structures gaya ng pumping stations.
Makukuha ang pondo mula sa ₱644-bilyong panukalang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ang ahensyang may ikalawang pinakamalaking allocation sa 2027 NEP. Katumbas ng 16.17 porsiyento ng budget nito ang flood control.
Ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Acting Secretary Kim Robert de Leon, kailangang tapusin at pakinabangan ang mga proyektong nasimulan na.
“When we were discussing the formulation of the 2027 National Expenditure Program, this was one of the important considerations,” ani De Leon. “We cannot simply neglect flood control projects already started… it won’t be of benefit if those projects remain unfinished.”
Sinabi niyang dumaan sa “intense vetting” ang mga panukalang proyekto para masalang ang posibleng ghost projects.
Hindi rin umano aasa ang gobyerno sa progress reports ng contractors. Gagamit ng satellite monitoring para beripikahin ang aktuwal na estado ng construction.
Nawala ang flood control funding sa 2026 budget matapos ilipat ang ₱255.5 bilyon sa education, pagkain at healthcare kasunod ng kontrobersya sa maanomalyang proyekto at budget insertions.
Muling susuriin ng House of Representatives ang listahan, ayon kay House Committee on Appropriations chair at Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela Suansing.
Magsisimula ang budget deliberations sa Kamara sa Lunes, August 17. /Bistado


