Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

OVP, consistent sa pag-flag ng COA — Luistro

Muling kinuwestiyon ng House prosecution panel ang relief operations ng Office of the Vice President (OVP) matapos makakita ang Commission on Audit (COA) ng mga kakulangan sa mga kontrol at dokumento para sa ₱167.97 milyong halaga ng operasyon noong 2025.

“Consistent ang OVP na nafa-flag ng COA,” sabi ni House Lead Prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro sa press conference nitong Huwebes, September 24.

Ayon sa audit, may mga ulat ng OVP na hindi tugma sa impormasyon mula sa ibang ahensiya at lokal na pamahalaan. Saklaw ng mga pagkakaibang ito ang relief goods na nagkakahalaga ng ₱19.67 milyon, kabilang ang bilang ng mga pamilyang naapektuhan.

Napag-alaman din ng COA na lumihis sa inaprubahang mission orders ang 24 relief operations na may ₱39.01 milyong halaga ng goods. Walang dokumentadong pag-apruba sa mga pagbabago sa iskedyul, lugar ng pamamahagi, dami ng relief items at bigas.

Sa walong mission orders naman na sumasaklaw sa ₱84.12 milyong halaga ng relief goods, walang tinukoy na target na benepisyaryo. Nakakita rin ang COA ng kulang o hindi kumpletong mga listahan at rekord ng pamamahagi. Para sa relief operations na may 33,980 benepisyaryo at ₱25.27 milyong halaga ng goods, kulang ang mga dokumentong kailangan bago isagawa ang operasyon.

“Ang Commission on Audit—ang tungkulin po niyan—kaya nga nagkaroon ng COA, para tungkulin niyang i-flag iyong ginawa ng OVP,” sabi ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. “Tama po iyong ginawa [ng COA].”

Para kay Abante, kailangang sagutin kung nasunod ng OVP ang mga itinakdang proseso. “Proper ba iyong ginawa niya? Ethical ba iyong ginawa niya?” tanong niya. “Iyon ang pinag-uusapan natin dito: improper ba iyong ginawa ng Vice President?”

Mga kakulangan sa dokumentasyon at kontrol ang tinukoy ng COA. Hindi nito awtomatikong ibig sabihin na ninakaw, nawala o na-disallow ang buong ₱167.97 milyon.

Sinabi ni Atty. Paolo Panelo, tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte, na maglalabas ng pahayag ang OVP matapos pag-aralan ang abiso ng COA. 

Hiwalay ang usaping ito sa mga paratang sa impeachment case laban sa Bise Presidente, na pagpapasyahan ng Senate impeachment court batay sa ebidensiya. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles