Isang muling miyembro ng pamilya Acop ang uupo sa Kongreso matapos ideklarang panalo si Dr. Philip Conrad “Dok Bong” M. Acop bilang kinatawan ng 2nd Legislative District ng Antipolo City sa katatapos na special election.
Isinagawa ang special election matapos mabakante ang puwesto kasunod ng pagpanaw ng dating kinatawan ng distrito na si Rep. Romeo Acop noong December 2025.
Opisyal na iniproklama si Acop matapos ang canvassing ng District Board of Canvassers sa Ynares Event Center sa Antipolo City. Siya ang nanalo sa halalan na isinagawa noong March 14, 2026 para punan ang bakanteng puwesto sa House of Representatives.
Batay sa datos ng Commission on Elections na inilabas sa proklamasyon, nakakuha si Acop ng 60,501 boto. Siya ang may pinakamataas na bilang ng boto sa anim na kandidatong tumakbo sa special election.
Sa kabuuang 252,793 rehistradong botante sa distrito, 84,367 ang lumahok sa botohan. Katumbas ito ng 33.37 porsiyentong voter turnout.
Pinangasiwaan ng Commission on Elections ang special elections sa tulong ng mga guro na nagsilbing miyembro ng Electoral Board, mga ahensya ng pamahalaan, at mga security forces na nagbigay ng seguridad sa mga polling precinct. /Bistado


