Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Pwesto sa kumpanya, dibidendo at Gencorp declaration ni VP Sara sinuri sa trial

Sinuri sa ika-27 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang kanyang mga posisyon sa ilang kumpanya, mga rekord tungkol sa dibidendo at pagkakaiba ng deklarasyon niya sa Gencorp Industries at ng mga dokumentong iniharap mula sa Securities and Exchange Commission (SEC). 

Sa pagdinig nitong Lunes, September 21, tinalakay ni SEC official Atty. Gerardo F. Del Rosario ang mga rekord ng Metro City Chow Foods Corporation, kung saan nanatiling nakalista si Duterte bilang direktor kahit nanunungkulan na siyang Bise Presidente. 

“Si VP Sara Duterte po ay member pa rin po ng Board of Directors,” ani Del Rosario.

Inusisa rin ni Senator-judge Win Gatchalian ang naiulat na papel ni Duterte sa compensation committee ng Metro City Chow habang Bise Presidente. Kinumpirma ni Del Rosario ang impormasyong iniulat ng corporate secretary, ayon sa recap ng prosekusyon.

Kinuwestiyon naman ni Senator-judge Raffy Tulfo kung bakit hindi napayuhan ng mga abogado si Duterte na mag-divest o bumitiw sa kanyang business interests.

“Wala man lang ni isa sa kanila nakapag-advise sa kanya na, VP, kailangan mo mag-divest kasi bawal yan,” ani Tulfo.

Tinalakay din ang kita ng Metro City Chow at kung nagdeklara ito ng dibidendo para sa mga shareholder. Sa mga rekord na sinuri, walang nakitang dividend declaration. Hindi rin awtomatikong personal na kita ng shareholder ang kinikita ng kumpanya, ayon sa paglilinaw sa pagdinig. 

Hiwalay dito ang mga kumpanyang walang naisumiteng audited financial statements. Ayon sa recap, nilinaw ng saksi na kulang ang kanyang impormasyon para matukoy kung nagdeklara ng dibidendo ang mga iyon. Hindi ito katumbas ng kumpirmasyong walang idineklarang dividend.

Sa Gencorp naman, kinuwestiyon ang deklarasyon ni Duterte ng business interest sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), habang walang rekord ng kanyang shareholding sa mga dokumentong tinalakay. 

“Lumalabas po dito sa summary na hindi lumalabas bilang incorporator o director, even as a stockholder, si VP Sara sa kumpanyang ito. Although, dineklara niya po sa kanyang SALN itong business interest na ito,” ani private prosecutor Atty. Erwin Matib.

Paulit-ulit ding lumabas sa mga corporate record ang pangalan ni Jaime T. Cruz. Kabilang sa tinalakay ang JTC Group of Companies bilang shareholder sa Gencorp at ang pagkakaugnay ni Cruz sa mga kumpanyang sinusuri. 

“JTC Group of Companies, represented by Jaime T. Cruz. Siya po ang nagirepresenta sa kumpanya, sa JTC Group of Companies, sa Gencorp,” ani Del Rosario sa testimonya na sinipi sa recap.

Ayon sa prosekusyon, ipagpapatuloy sa mga susunod na pagdinig ang pagsusuri kung naipapaliwanag ng mga rekord ng negosyo ang pagtaas ng declared wealth ni Duterte sa nagdaang mga taon. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles