Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

House Prosecutor De Lima haharap para sa prosekusyon sa 16-vote threshold arguments

Si Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima ang inaasahang haharap para sa House prosecution sa Miyerkules, September 23, sa oral arguments tungkol sa kontrobersyal na bilang ng botong kailangan para ma-convict si Vice President Sara Duterte sa impeachment trial.

Kinumpirma ni House prosecutor at Akbayan Party-list Rep. Jose Manuel “Chel” Diokno nitong Linggo na si De Lima ang inaasahang maglalatag ng posisyon ng prosecution panel sa Senate impeachment court.

“I understand that it will be Congresswoman Leila de Lima,” ani Diokno sa dzBB’s Bantay Balita sa Kongreso.

Sentro ng debate kung mananatiling 16 ang conviction threshold batay sa buong 24-member Senate o kung magbabago ang bilang depende sa mga senator-judge na legal na kwalipikado at aktuwal na nakalalahok sa proceedings.

Apat na senator-judge ang hindi nakadadalo sa trial. Nakadetine sina Senators Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta kaugnay ng magkahiwalay na plunder cases. Nagtatago naman si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa habang may arrest warrant mula sa International Criminal Court, habang nasa abroad sa medical leave si Sen. Loren Legarda. Dahil dito, 20 senator-judges ang kasalukuyang nakadadalo sa trial.

Nakatakdang bigyan ang prosecution at defense ng tig-15 minuto sa oral arguments sa September 23.

“Well, unang-una, sa tingin po namin ay itong bagay na ito ay talagang nasa kamay ng Senate bilang Impeachment Court at kung ano man ang magiging pagpapasya nila sa isyu na ito ay siyempre irerespeto po natin ’yan,” ani Diokno.

Naunang itinakda ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero sa 16 ang conviction threshold, batay sa constitutional requirement na concurrence ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado ang kailangan para ma-convict ang isang impeached official.

Pero kinuwestiyon ni Senator-Judge Erwin Tulfo kung sino ang dapat isama sa denominator dahil sa sitwasyon ng apat na absent senator-judges.

Dahil dito, humingi ang impeachment court ng pananaw ng apat na retired Supreme Court magistrates bilang amici curiae o friends of the court noong Miyerkules, September 16.

Nagsumite ng legal memorandum si retired Chief Justice Hilario Davide Jr., habang personal na humarap sina retired Chief Justices Artemio Panganiban at Reynato Puno at retired Associate Justice Adolfo Azcuna.

Tatlo sa apat, sina Davide, Panganiban at Puno, ang nagpahayag na hindi kinakailangang manatiling 16 ang threshold sa lahat ng sitwasyon. Magkakaiba ang kanilang constitutional approach, ngunit binigyang-diin nilang fraction na two-thirds at hindi fixed number na 16 ang nakasaad sa Constitution.

Kumontra si Azcuna. Para sa kanya, lahat ng sitting senators ang dapat isama sa denominator hangga’t miyembro sila ng Senado.

Sinabi ni Diokno na mas “realistic” para sa prosecution ang mga pananaw na inilatag ng retired chief justices.

“Sa ngayon, ang masasabi ko lang po ay sa tingin namin, mas sabihin na lang natin mas realistic tingnan ang nakita naming mga opinyon ng ating mga talagang marurunong na former retired chief justice na humarap sa Impeachment Court noong nakaraang Wednesday,” ani Diokno.

“Ako ay talagang nabilib doon sa mga pagtatalakay ng ating mga chief justice at kita niyo naman na talagang pinag-aralan nila nang mabuti itong isyung ito. I really think they have really pinpointed kung ano ba talaga ang dapat tingnan na batas at mga authorities sa issue na ito,” dagdag niya.

Gayunman, iginiit ni Diokno na hindi ibinabatay ng prosecution ang kaso nito sa pagkakaroon ng mas mababang conviction threshold.

“Alam niyo, sa amin kasi, hindi namin tinitingnan ’yang numbers. ’Yung isyu na ’yan, basta sa amin ang focus po namin ay makapag-presenta ng pinaka-solid na kaso,” sabi niya.

“We are operating on the mindset to present as strong a case as possible,” dagdag niya.

Kinilala rin niyang kapwa layunin ng prosecution at defense na kumbinsihin ang senator-judges, ngunit igagalang nila ang magiging ruling ng impeachment court.

“Of course both sides gusto nila makapag convince at ma-persuade ang members ng Impeachment Court at ’yun din ang aming layunin sa prosecution,” ani Diokno.

Wala rin umanong pagtutol ang prosecution kung kailangan pa ng mga senator-judge ng mas mahabang panahon bago resolbahin ang threshold pagkatapos ng oral arguments.

“Wala po kaming problema doon at sabi ko nga kanina nasa kamay na ng ating mga senator judges ang pagpapasya pati na rin kung kailan nila dedesisyunan ito,” sabi niya.

Sa kasalukuyan, nananatiling umiiral ang naunang 16-vote ruling ni Escudero habang hinihintay ang magiging pasya ng impeachment court. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles