Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Flag-bearer sa Asiad: Boksingerang si Villegas, weightlifter na si Delos Santos

Ang Paris Olympic boxing bronze medalist na si Aira Villegas at ang world junior weightlifting champion na si Albert Ian Delos Santos ang magdadala ng watawat ng Pilipinas sa opening ceremonies ng Nagoya Asian Games sa Setyembre 19.

Maingat na pinagbalanse sa credentials at masikip na iskedyul ng mga atleta ang naging batayan, ayon kay Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham Tolentino.

“The POC prioritized athletes whose competition schedules do not conflict with the opening festivities,” paliwanag ni Tolentino.

“Many athletes have games scheduled immediately after the ceremony or are stationed hours away in Tokyo, making participation too exhausting.”

Unang kinonsidera ang tennis star na si Alexandra Eala. Gayunman, darating siya mula mismo sa Singapore Open at kailangan niya ng oras upang makapagpahinga at makapagpokus sa kanyang mga laban.

Sinabi ni Villegas na ang pagdadala ng watawat ay nangangahulugan ng pagdadala sa mga pag-asa, pangarap, sakripisyo at panalangin ng isang buong bansa.

Samantala, sinabi ni Tolentino na lahat ng atletang Pilipino ay binigyan ng lugar sa kontrobersyal na “floating village,” ang Italian cruise ship na Costa Serena na nakadaong sa Nagoya.

Ngunit ang ibang opisyal at mga coach ay nalipat sa ibang hotel at Airbnb, ayon sa ulat ng Japan Today.

Mananatili rin ang mga kalahok sa mga kubong gawa sa kahoy na parang mga container at sa mga standard hotel room bilang hakbang upang mabawasan ang mga gastusin.

Dati nang ginamit ang mga cruise ship bilang accommodation sa mga international sporting event, ngunit hindi kailanman sa ganitong kalaking pagtitipon.

Sinabi sa Agence France-Presse ni Jung Jae-yong, vice president ng Korea Basketball Association, na hindi sila nasiyahan sa mga cabin na tinutuluyan ng men’s basketball team.

Ayon sa kanya, masyadong maliit ang mga kama para sa mga atleta, at isang manlalaro mula sa koponan ang nag-post ng video sa social media na nagpapakita ng tumutulong lababo at basang sahig sa kanyang kubo.

“Please help us,” ayon sa caption ng litrato.

Daan-daang atleta ang pansamantalang inilikas mula sa kanilang tinutuluyan noong nakaraang linggo matapos hagupitin ng record rainfall ang Nagoya at magdulot ng pagbaha.

Sinabi ng mga opisyal ng South Korea na ang mga container hut room ay ang pinakamalala sa kasaysayan ng Asiad at ang mga pangamba tungkol dito ay ibinahagi ng bawat koponan.

Sinabi ni Hideaki Omura, presidente ng local organizing committee, na maaaring magsilbing modelo ang pansamantalang accommodation para sa pagdaraos ng mga sporting event na may napapanatiling gastusin.

“This is the first time in Japan that a cruise ship is being used as accommodation for a big international sporting event,” Omura said at a ceremony to welcome the cruise ship to Nagoya. “We’re happy that we can provide a new type of accommodation for a large-scale event like this.”

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles