Pinapabilis ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglalabas ng bagong guidelines sa suspension at resumption ng klase para maiwasan ang kalituhan sa gitna ng pabago-bagong panahon.
“Minamadali po ito, dahil nga ang sabi ng Pangulo kahapon na ang panahon ay paiba-iba, lalo na ngayon at minsan biglang bubuhos ang ulan o bigla namang walang ulan,” ani Palace Press Officer Claire Castro nitong Huwebes, September 17.
Hindi pa aprubado ang guidelines habang pinag-aaralan kung paano iko-coordinate ang announcements ng schools, local government units (LGUs) at Department of Education (DepEd).
“Kailangan pong aralin para hindi po magkaroon ng miscommunication o malito ang mga magulang, ang mga bata kung anong oras papasok o hindi papasok,” sabi ni Castro.
Pinag-aaralan din kung sino sa mayor, governor o DepEd ang mag-aanunsyo ng suspension batay sa weather alert levels at aktuwal na kondisyon sa lugar.
“Kinakailangan po itong mas mabilisan, kasi mas marami po kasing naapektuhan, mga bata at mga magulang kapag hindi agad nagkakaroon ng announcement,” ani Castro.
Nauna nang sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na magsusumite ang DepEd kay Marcos ng proposed executive order na magbabago sa class suspension rules.
Sa panukala, bibigyan ng mas malaking authority ang local officials at school heads na magsuspinde o magbalik ng face-to-face classes batay sa aktuwal na kondisyon sa kanilang lugar. /Bistado


