Mula tennis court, umabot na sa palayan ang pangalan ni Alex Eala matapos siyang bigyan ng kakaibang tribute ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija.
Gumawa ang PhilRice Community Relations Office ng giant rice-paddy artwork na naglalarawan sa 21-anyos na Filipino tennis star.
Hindi pa rito nagtatapos ang transformation. Mas lilinaw ang larawan ni Eala pagsapit ng October habang nagbabago ng kulay ang mga halamang palay.
“Our Community Relations Office thought, why not honor Alex in the way we know best, with rice?” ani PhilRice Executive Director John de Leon.
“As the rice matures and changes color in October, her image will become even clearer.”
Pinuri rin ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang kakaibang pagkilala kay Eala.
“This is great, a very fitting acknowledgment of what Alex Eala has done for Philippine tennis and for uniting Filipinos wherever they are in the world,” ani Tiu Laurel.
“Truly, Alex is a proud Pinoy, and Filipinos take pride in what she has accomplished and what she will accomplish. This is the Department of Agriculture family’s way of saying, ‘Salamat, Alex!’” dagdag niya.
Umabot si Eala sa career-high world No. 18 ranking sa loob ng wala pang dalawang taon sa Women’s Tennis Association (WTA) tour.
Nilaktawan din niya ang China Open, isang WTA 1000 event, upang katawanin ang Pilipinas sa Asian Games ngayong taon, desisyong maaaring magresulta sa pagkawala ng ranking points at multa.
Hindi ito ang unang pagkakataong ginawang canvas ng PhilRice ang palayan para parangalan ang Filipino athletes. Nauna nang itinampok sa rice-paddy art sina boxing icon Manny Pacquiao at Olympic gold medalist Hidilyn Diaz.
Ngayon, si Eala naman ang bida sa Nueva Ecija rice field: isang kakaibang Pinoy version ng “grass court” para sa tennis star. /Bistado


