Ebidensya at hindi ang magiging bilang ng kinakailangang boto ang pinaghahandaan ng House prosecution upang kumbinsihin ang mga senator-judge na i-convict si Vice President Sara Duterte, ayon kay Manila Rep. Joel Chua.
“Whether ito ay 16, 15, 14, kami ay naghahanda para maipakita ang ebidensya nang sa ganoon ay makumbinsi natin sila sa tibay ng ebidensya,” ani Chua, isa sa House impeachment prosecutors, nitong Huwebes, September 17.
“At the end of the day, hindi lang naman ang mga senator-judges ang ating audience dito, bagkus pati ang taong bayan,” dagdag niya.
Nakatakdang maglatag ng kani-kanilang argumento ang prosecution at defense sa September 23 bago resolbahin ng Senate impeachment court ang kontrobersyal na conviction threshold.
Nangangailangan ang Constitution ng concurrence ng two-thirds ng lahat ng Senate members para sa conviction. Naunang itinakda ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero sa 16 ang kinakailangang boto batay sa 24-member Senate, ngunit naging usapin kung sinu-sino ang dapat isama sa computation dahil sa nonparticipation ng ilang senator-judges.
“Wala pong iniiba sa two-thirds na requirement ng Constitution,” ani House impeachment team spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.
“Ang naka-fix po is ’yung two-thirds. Ang pag-usapan po natin, paano po natin i-apply ’yung two-thirds doon sa kabuuang miyembro ng Senado para makuha po natin ’yung two-thirds na boto,” dagdag niya.
Tatlo sa apat na amici curiae na kinonsulta ng impeachment court, sina retired Chief Justices Artemio Panganiban, Reynato Puno at Hilario Davide Jr., ang nagsabing hindi kinakailangang manatiling 16 ang threshold sa lahat ng sitwasyon.
Kumontra si retired Associate Justice Adolfo Azcuna, na nanindigang dapat bilangin ang bawat sitting senator maliban kung namatay, nag-resign o natanggal sa puwesto.
Iginiit ni Adiong na hindi arbitraryong pagpapababa sa conviction requirement ang posibleng pagbabago sa aktuwal na bilang.
“’Yung pag-lower down ng actual number, it’s not actually arbitrary. It should not be taken as, dahil gusto lang naming i-lower ’yung number. Hindi po,” ani Adiong.
“Wala pong naiba dito. Ang naiiba lang po is how to interpret ’yung two-thirds,” dagdag niya.
Ayon kay Chua, nasa Senate impeachment court ang pagpapasya sa usapin.
“Maliwanag ’yung sinabi ng lahat ng magistrado kahapon na ang discretion whether to fix the threshold to 16 or ibababa ito ay nasa kamay ng Senado,” sabi niya.
Nakapagpresenta na ang prosecution ng ebidensya sa Article IV kaugnay ng alleged grave threats at Article I sa alleged misuse of confidential funds. Kasalukuyang dinidinig ang Article II sa alleged unexplained wealth, kabilang ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) ni Duterte at kaugnay na government records.
Susunod pang ilalatag ang corporate at financial records, habang hindi pa naipipresenta ang Article III na may kinalaman sa allegations of bribery. /Bistado


