Kinilala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) matapos tanggapin ang 2026 “Reserve Manager” award mula sa international publication na Central Banking, bilang pagkilala sa mga hakbang ng Philippine central bank para paghusayin ang pamamahala sa foreign currency reserves ng bansa.
Ayon sa Central Banking, ibinigay ang parangal matapos ipatupad ng BSP ang ilang reporma sa paraan ng pangangasiwa ng international reserves. Kabilang dito ang pag-update ng investment strategy, pagpapalakas ng risk management, at pagpapalawak ng mga asset kung saan inilalagay ang reserbang dolyar ng bansa.
Pinahusay din umano ng BSP ang kakayahan nitong mamuhunan sa bagong asset classes, nagrebisa ng mga patakaran para sa external fund managers, at nagpatupad ng mga pagbabago sa pamamahala ng gold holdings at responsible investment policies.
Sinabi ni BSP Governor Eli M. Remolona Jr. na bahagi ang mga repormang ito ng hakbang para maprotektahan ang ekonomiya laban sa posibleng financial shocks.
Ayon kay Remolona, patuloy na isinusulong ng BSP ang maingat at forward-looking na pamamahala sa reserves habang pinalalawak ang diversification ng mga panganib sa pamumuhunan.
Batay sa datos ng BSP, umabot sa US$112.7 bilyon ang gross international reserves ng Pilipinas noong katapusan ng February 2026. Dagdag nito, sapat ang halagang ito para tustusan ang humigit kumulang 7.5 buwan ng importasyon ng bansa at higit apat na beses ng short-term external debt.
Ang international reserves ang nagsisilbing panangga ng ekonomiya laban sa panlabas na pressure sa pandaigdigang merkado at tumutulong para mapanatili ang katatagan ng financial system. /Bistado


