Wala mang pormal na anunsyong ginawa ang programang It’s Showtime sa napabalitang tinuluyan na umanong tanggalin sa show sina MC Muah at Lassy, kalat na kalat na sa LGBTQ+ circuit na totoo ngang “tanggal” na sila.
Walang pinanggalingang isyu ang umanoý hindi na lang pagpapakita ng comedy duo sa programa pero kumakalat ang tsismis na may kinalaman pa din daw ito sa estado ng friendship ng dalawa sa kaibigan nilang si Vice Ganda.
Ayon sa mga kumakalat na tsika sa LGBTQ+ community, hindi na daw kasi nakikinig at nagpapasaway ang magkaibigan kay Vice sa mga payo nito hinggil sa sobrang pagbababad sa mga casino at paglustay ng walang wawa kaya’t madalas late na silang dumadating sa show.

Matatandaang nagkaroon ng mainit na tampuhan at usapang kaibigan sina MC at Lassy laban kay Vice last year na nagresulta sa halos ilang buwan din nilang hindi pagtatrabaho sa It’s Showtime.
Nakabalik lamang sila ng mayroong mamagitan na mga matatalik din nilang kaibigan at nagkapatawaran sila sa naging gusot nila.
Umabot pa ng halos isang taon uli ang naging exposure nila sa programa hanggang nitong mga buwan ng July at Agosto lamang napansin ng netizen at mga manonood ng show na tila bigla na nga lang din silang nawala?
Ang mga regular hosts din daw ng show gaya nina Anne Curtis, Jhong Hilario at Vhong Navarro ay nawawala din paminsan-minsan, pero may mga pasabi o madalas pa din daw itong binabanggit sa programa bilang Kapamilya pa rin nila.
Kasabay ng pagkawala sa show nina MC at Lassy ang mga regular ding sina Teddy Corpuz at Jugs Jugueta na tila halos wala na daw exposure sa show.
Kahit sina Ogie Alcasid, Amy Perez at Kim Chiu ay sinasabing per segment na lang napapanood dahil mas binibigyan nga daw ng priority ang mga baguhang sina Darren, Brent Manalo, Jackie Gonzaga, at iba pang medyo maliit lang umano ang daily budget o talent fee.
Bukod nga kay Vice, ang lagi nga daw regular na napapanood sa show ay sina Ryan Bang, Ion Perez, Darren at ang baguhang si Brent Manalo.
Wala namang inilalabas na pahayag o komento sina MC at Lassy hinggil sa balitang official na umano silang tinanggal sa show.


