Pinayagan na ng korte ang pagpapatuloy ng plebiscite kung saan pagbobotohan ng member-consumer-owners (MCOs) ng South Cotabato II Electric Cooperative (SOCOTECO II) ang proposed joint venture nito sa IGNITE Power and Energy Holdings Inc.
Sa 12-pahinang resolution noong Biyernes, September 11, pinagbigyan ni Regional Trial Court (RTC) Branch 62 Judge Vicente Andiano sa Polomolok, South Cotabato ang mosyon ng SOCOTECO II na alisin ang temporary restraining order (TRO).
Ibinasura rin ng korte ang application ni MCO Eugenio Mangilaya para sa writ of preliminary injunction.
Naunang kinuwestiyon ni Mangilaya ang transparency ng SOCOTECO II board sa pag-apruba sa conditional joint venture agreement (CJVA), kabilang ang umano’y hindi pagbibigay sa members ng kopya ng board resolution at kasunduan.
“What plaintiff offers is a conjecture presented as violation, and an injunction will not protect a right founded on nothing more than speculative claim,” ayon sa korte.
Hindi rin tinanggap ng RTC ang argumento na magdudulot ng irreparable injury ang pagpapatuloy ng plebiscite dahil conditional pa ang JVA at hindi pa nakararating sa final stage.
“The JVA remains subject to a final, independent stage. It has not yet happened. Until it does, whatever consequence plaintiff fears from it remains a possibility hedged by condition, not an injury demonstrable in the present,” ayon sa desisyon.
Nilinaw din ng korte na maaari pa ring ituloy ni Mangilaya ang pangunahing kaso para ipawalang-bisa ang plebiscite at CJVA at humingi ng damages kung mapatutunayang may irregularities.
Ang September 4 TRO, na kalauna’y pinalawig hanggang September 24, ang nagpahinto sa unang voting dates noong September 5 at 6.
Bagama’t inalis na ang TRO, hindi na itinuloy ng SOCOTECO II ang botohan nitong September 12 at 13 dahil kapos sa preparation time kasunod ng ruling.
Nakatakda na ngayon ang natitirang voting sa September 19 hanggang 20 at September 26 hanggang 27.
Ang IGNITE Power ay suportado ng Primelectric Holdings Inc. at MP Holdings Inc. ni dating Senador Manny Pacquiao.
Iginiit ng SOCOTECO II na kailangan nito ng private-sector partner upang tugunan ang accumulated losses, aging infrastructure at system losses. Kabilang sa proposal ng IGNITE ang pagpapababa sa system loss charge na ipinapasa sa consumers sa 5.5 porsiyento.
Sa pagtanggal ng legal na harang sa plebiscite, nasa MCOs na ng SOCOTECO II ang desisyon kung aaprubahan ang proposed partnership. /Bistado


