Taliwas sa pangakong “lifetime free fuel supply” na inihayag ng Phoenix Petroleum Philippines Inc. para kay Olympic gold medalist Hidilyn Diaz noong 2021, lumabas sa mga ulat na dalawang taon lamang tumagal ang nasabing fuel incentive.
Sumiklab ang usapin matapos maglabas ng pahayag sa social media si Noel Ferrer, manager ni Diaz at isang showbiz radio host. Sa kanyang post, sinabi ni Ferrer na ang kinaiinggitang “lifetime free fuel” na ibinigay sa atleta ay tila “drawing lang,” dahil dalawang taon lamang umano ito naipagkaloob.
May patutsada pa si Ferrer sa kanyang post kung kaninong “lifetime” nga ba ang tinutukoy ng kumpanya, sabay diin na ang naturang insentibo ay mismong ipinahayag ng Phoenix Petroleum sa publiko noong 2021 matapos makuha ni Diaz ang kauna unahang Olympic gold medal ng Pilipinas sa women’s 55 kilogram weightlifting event sa Tokyo Olympics.
“Phoenix Petroleum made the promise public in 2021 when Hidilyn won the country’s first ever Gold Medal in the Olympics. The lifetime fuel incentive was their announcement, their commitment, not hearsay,” ayon kay Ferrer.
Sinagot naman ito ng Phoenix Petroleum sa isang dalawang pahinang opisyal na pahayag na inilabas noong March 12. Ayon sa kumpanya, matagal na nilang sinusuportahan ang mga atletang Pilipino at tumulong na sila kay Diaz bago pa man ito manalo ng gintong medalya sa Tokyo Olympics.
“Phoenix Petroleum has always held our athletes in the highest regard, and remains proud to have supported them through the years,” ayon sa kumpanya.
Dagdag pa ng Phoenix, nagsagawa sila ng donation drives para sa mga atleta simula pa noong 2018 at nagbigay din sila ng allowance kay Diaz noong 2019.
Matapos ang historic Olympic win ni Diaz noong 2021, nagkaloob umano ang kumpanya ng P5 million cash donation sa weightlifting champion. Binigyan din nila ng P3 million bawat isa ang silver medalists na sina Carlo Paalam at Nesthy Petecio, at P1 million naman si bronze medalist Eumir Marcial.
“As the sole gold medalist, Diaz was awarded with the ‘free fuel for life’ donation, while the rest enjoyed their respective allocations for a limited time,” ayon pa sa kumpanya.
Gayunman, sinabi ng Phoenix Petroleum na tumagal lamang hanggang dalawang taon ang kanilang fuel donation kay Diaz dahil nagbago ang sitwasyon.
“In March 2022, Ms. Diaz received her second year of fuel donation from us. She was asked if she could share about the donation online. She declined, citing that she recently entered into a contract with another petroleum company,” paliwanag ng kumpanya.
Ayon pa sa pahayag, matapos ang naturang pangyayari ay hindi na umano nagkaroon ng karagdagang komunikasyon mula kay Diaz.
Ipinaliwanag ng kumpanya na tulad ng ibang corporate donations, may mga kundisyon ang ganitong kasunduan kabilang ang brand alignment. Dahil nakipag kontrata na si Diaz sa ibang fuel brand, hindi na umano puwedeng ipagpatuloy ang fuel donation sa parehong kondisyon.
“Upon acknowledging receipt, she was asked if she could share about the donation online. She declined, citing that she recently entered into a contract with another petroleum company. She soon ceased communicating with us,” dagdag ng kumpanya.
Sa kabila ng kontrobersiya, iginiit ng Phoenix Petroleum na natupad nila ang kanilang obligasyon.
“We fulfilled our commitments,” ayon sa kumpanya, sabay pahayag ng pagkadismaya dahil hindi umano sila kinontak bago inilabas sa publiko ang alegasyong “drawing lang” ang pangako.
Wala namang nagging personal na pahayag ang atleta sa nasabing issue, at instead, nag-update pa sa kanyang buhay maestra sa University of the Philippines Diliman, kung saan kasalukuyan siyang nagtuturo ng weightlifting. /Bistado


