Balak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipamahagi ang P5,000 fuel subsidy gamit ang apps o internet para mas mapabilis ang proseso ng pamamahagi sa mga driver at operator ng public utility vehicles (PUVs).
Ayon sa LTFRB, pinag-aaralan ng ahensya ang paggamit ng digital platforms bilang payment channels para diretsong maipadala ang tulong sa mga benepisyaryo.
Nitong Biyernes, inimbitahan ni LTFRB Chair Vigor Mendoza II ang mga electronic money issuers (EMIs) na magsilbing payment channel providers para sa fuel subsidy program kung saan bawat qualified beneficiary ay makakatanggap ng P5,000 na ayuda.
“In engaging the services of Electronic Money Issuers, our goal is to ensure an efficient, secure, and transparent distribution of fuel subsidy assistance to program beneficiaries,” ani Mendoza.
Para matiyak ang kakayahan ng mga EMIs na humawak ng ganitong transaksyon, inatasan ang mga ito na magsumite ng letter of intent at iba pang dokumento bilang patunay ng kanilang ligalidad at kakayahan na magsilbing payment channel.
Ipinaliwanag ni Mendoza na ang mga dokumentong isusumite ng mga EMIs ang magiging batayan ng LTFRB sa pagtukoy kung kwalipikado ang mga ito na makilahok sa programa.
Ayon pa sa LTFRB chair, napatunayang epektibo at efficient ang digital na pamamahagi ng fuel subsidy sa mga nakaraang programa dahil hindi na kailangan pang pumila ng beneficiaries sa mga distribution venue.
Batay sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas, may 29 EMI banks na accredited as of December 2025, kabilang ang Land Bank of the Philippines, BDO Unibank Inc., at Citibank N.A.
Mayroon ding 44 non-bank EMI financial institutions na kinikilala ng BSP tulad ng Cebuana Lhuillier Services Corporation, G-Xchange Inc. (GCash), at Maya Philippines Inc..
Layunin ng LTFRB na gamitin ang digital payment channels para mas mabilis at mas maayos na maipamahagi ang fuel subsidy sa mga driver at operator ng PUVs na kabilang sa programa ng pamahalaan.
Ilulunsad ang fuel subsidy program bilang tugon sa walang habas na pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo bunsod ng girian sa Middle East. /Bistado


