Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Prosecution: VP Sara ‘mastermind’ ng P612.5-M ‘confi scam’

Cue in Taylor Swift’s ‘Mastermind.’

Yan daw yata ang theme song ni Vice President Sara Duterte, matapos tawaging “confi scam” ng House prosecution ang umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds sa ilalim ni Vice President Sara Duterte at itinuro ang Bise Presidente bilang umano’y mastermind ng operasyon.

“Isang modus na kailangang ilantad, isang pananagutan kailangang harapin at isang pangalang ibinibigay namin sa mga alegasyong ito. Ito ay ‘confi scam,’” ani prosecution team adviser at spokesperson Ace Barbers nitong Biyernes, September 11.

“At ang diumano’y mastermind ng operasyon nito ay walang iba kundi si Vice President Sara Duterte,” dagdag niya.

Inilahad nina Barbers at fellow prosecution spokesperson Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang buod ng ebidensya ng prosekusyon sa Article I ng impeachment case, na sumasaklaw sa P500 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at P112.5 milyon ng Department of Education (DepEd).

Ayon kay Barbers, sinundan ng prosecution team ang galaw ng pera sa iba’t ibang opisina, dokumento at personnel at nakita umano ang magkakatulad na pattern.

“Iba-ibang ahensya pero iisa lang ang modus operandi,” ani Barbers.

“Sa pagsunod ng daloy ng pera, lahat ng umano’y maanomalyang daan hinggil sa confidential funds ay patungo sa pintuan ni VP Sara Duterte. Kumbaga, all roads lead to Sara Duterte,” dagdag niya.

Iginiit niyang hindi dapat tumigil ang pagsusuri sa mga taong nag-withdraw, nagdala o tumanggap ng cash.

“Huwag tayong tumigil sa nagbitbit ng bag. Sundan natin kung sino ang nag-utos,” sabi ni Barbers.

Sa OVP, tumestigo si dating special disbursing officer (SDO) Gina Acosta na nag-encash siya ng apat na tsekeng tig-P125 milyon at iniabot ang pera kay Col. Raymund Dante Lachica sa utos umano ni Duterte.

Sa DepEd naman, tatlong tsekeng tig-P37.5 milyon ang in-encash ni SDO Edward Fajarda. Iniugnay ng prosekusyon kay Col. Dennis Nolasco ang sumunod na paghawak sa cash.

“Sa kasong inilalatag ng prosecution, si Sara Duterte ang tinuturong utak ng operasyon,” ani Barbers.

“Isang modus, iisa ang boss. Si Sara Duterte umano ang utak ng operasyon.”

Nilinaw ni Barbers na mga alegasyon ito ng prosekusyon na pagpapasyahan ng Senate impeachment court matapos timbangin ang ebidensya ng magkabilang panig. Itinanggi ni Duterte ang mga paratang laban sa kanya.

“Confidential ang operation, hindi dapat takasan ang pananagutan,” ani Barbers.

“Totoong pera ang inilabas, totoong sagot ang dapat marinig at ibalik sa taumbayan.” /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles