Timbog ang tatlong itinuturing na high-value drug personalities, kabilang ang isang dating barangay kagawad, matapos makumpiskahan ng mahigit P1.36 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa General Santos City.
Isinagawa ng Regional Police Drug Enforcement Unit 12 (RPDEU 12) ang operasyon sa Barangay Labangal nitong Martes, September 8, katuwang ang Police Station No. 2 ng General Santos City Police Office (GSCPO) at Philippine Drug Enforcement Agency 12 (PDEA 12).
Naaresto ang alias “Naro,” 50, dating elected Barangay Kagawad ng Barangay Mangay, Talitay, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Arestado rin sina alias “Jolt,” 44, at alias “Kick,” 51, kapwa residente ng Purok Mudia, Barangay Labangal.
Narekober umano sa drug transaction ang isang sachet na naglalaman ng tinatayang 5.17 gramo ng hinihinalang shabu.
Nakuha naman umano sa posesyon ng mga suspek ang apat na malalaking sachet na may tinatayang 195.63 gramo ng hinihinalang shabu.
Umabot sa 200.8 gramo ang kabuuang timbang ng nasamsam na hinihinalang droga, na may tinatayang National Standard Drug Price (NSDP) na P1,365,440.
Narekober din ang buy-bust money at iba pang mga gamit na umano’y ginamit upang itago ang illegal drugs.
Isinailalim sa kustodiya ng case investigator ang mga nakumpiskang substance para sa forensic examination sa Regional Forensic Unit sa General Santos City.
Pansamantalang nakadetine sa Police Station No. 2 ang tatlong suspek habang inihahanda ang mga reklamong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 para sa inquest proceedings. /Bistado


