Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

VP Sara, ipapa-subpoena sa impeachment trial

Balak ng House prosecution panel na humiling ng subpoena laban kay Vice President Sara Duterte matapos nitong maiharap ang kaso sa lahat ng apat na articles of impeachment.

Nilinaw ni private prosecutor Atty. Lorna Kapunan sa ika-23 araw ng paglilitis noong Setyembre 8 na hindi pa agad hinihingi ng prosekusyon ang subpoena. Tatapusin muna nito ang presentasyon sa lahat ng artikulo bago tawagin si Duterte.

“At the end of all of these articles we reserve the right to present the Vice President herself,” ani Kapunan.

Nang tanungin kung humihiling na sila ng subpoena, sumagot siya: “Not at this point, Your Honor.”

Kasabay nito, inanunsiyo ng prosekusyon na hindi na nito ihaharap ang 15 natitirang testigo mula sa 27 na orihinal na nakalista para sa Article I, na tumatalakay sa alegadong misuse at misappropriation ng confidential funds.

Kabilang sa mga hindi na ipiprisinta sina Police Major Jovelyn Magay, Sunshine Fajarda at Bresilio Sabaldan, na nakatakda sanang humarap noong araw na iyon.

Sampu sa 27 testigo ang nakapagbigay na ng testimonya, ayon kay Kapunan, habang hindi na kinailangang humarap ang dalawa pa dahil sa mga napagkasunduang stipulation.

“In lieu of presenting 15 other witnesses, we will be presenting the Vice President herself,” ani Kapunan.

Iginiit niyang ang mga naiharap na dokumento at testimonya, kabilang ang mula sa mga testigo ng Land Bank, ay nagtuturo kay Duterte bilang opisyal na dapat sumagot sa mga usaping sinusuri ng impeachment court.

“And this is why all of these pawns and castles and horses and bishops point to only one person and that accountable person is the Vice President,” aniya.

Gumamit si Kapunan ng paghahambing sa chess at tinukoy ang Bise Presidente bilang queen. Ayon sa kanya, naipakita ng prosekusyon sa pamamagitan ng mga testigo ng Land Bank na umiral at na-withdraw ang confidential funds.

Sinabi niyang magiging mahalaga rin ang testimonya ni Duterte sa iba pang usapin: unexplained wealth sa Article II, bribery sa Article III at grave threats sa Article IV. Ang unexplained wealth at bribery ang dalawang artikulong hindi pa naihaharap ng prosekusyon.

Kinumpirma ni Kapunan na magpapahinga na ang kanilang panig sa Article I, ngunit may reservation na tumawag ng dalawang posibleng testigo sa pagtatapos ng presentasyon ng lahat ng artikulo.

“We will be resting on this article, Your Honor, with the reservation of calling two possible witnesses at the end, Your Honor,” sabi niya.

Ang dalawang posibleng haharap ay si Duterte at isang amicus curiae na maaaring tumulong sa korte na unawain ang layunin ng mga bumalangkas ng Konstitusyon tungkol sa impeachment, public officers at public accountability. Wala pang pinangalanang posibleng amicus curiae.

“But this will be done at the end of presentation of the four articles,” paglilinaw ni Kapunan.

Wala nang karagdagang pagdinig sa Article I, ngunit nananatili ang plano ng prosekusyon na hingin ang pagharap mismo ng Bise Presidente matapos maiprisinta ang apat na artikulo. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles