Target ng Mindanao Development Authority (MinDA) na makahikayat ng pribadong puhunan para maitayo ang 11,096 bagong classroom sa Mindanao bilang bahagi ng pagsisikap na tugunan ang malaking kakulangan ng silid-aralan sa rehiyon.
Nakikipagtulungan ang MinDA sa Public-Private Partnership Center (PPP Center), Department of Education (DepEd) at Department of Finance (DOF) upang mapabilis ang pagtatayo ng education infrastructure sa pamamagitan ng public-private partnership (PPP).
“You cannot bring in real development if you do not train the youth, if you do not invest in human capacity, in human capability, and the best way to do that is to invest in our young people,” ani MinDA chairperson Secretary Leo Tereso Magno sa PPP School Infrastructure Project (PSIP) Investor Forum na ginanap sa Makati City noong September 1.
Ayon sa MinDA, layunin nitong pag-ugnayin ang mga prayoridad ng national government, local government units at private-sector investors upang mapabilis ang pagtatayo ng mga pasilidad para sa edukasyon sa Mindanao.
Sakop ng PSIP IV-Mindanao tranche ang planong 11,096 classroom, bahagi lamang ng kinakailangang tugunan na 51,445-classroom shortage sa buong Mindanao.
Gagamitin sa proyekto ang Build, Lease, and Transfer modality, habang target na makapagtayo ng ligtas, angkop, climate-resilient at maayos na mga pasilidad para sa mga mag-aaral.
Pinagsama-sama sa investor forum ang mga ahensya ng pamahalaan, financial institutions, investors at development partners upang talakayin ang mga oportunidad sa ilalim ng PSIP.
Kabilang sa mga pinag-usapan ang posibleng investment structures, implementation arrangements, equity financing at pakikipagtulungan ng mga financial institution at construction company upang mapabilis ang paghahanda at pagpapatupad ng proyekto.
“We hear a lot of feedback here and there, and we’re working with DepEd, helping them design the project, and assisting them through the approval up to the end,” ani PPP Center Executive Director Rizza Blanco-Latorre.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mas aktibong partisipasyon ng pribadong sektor upang matiyak na ang mga PPP project ay naaayon din sa aktuwal na kondisyon ng merkado.
Magkatuwang na nagsagawa ng forum ang DepEd, PPP Center, MinDA, DOF at American Chamber of Commerce of the Philippines.
Bahagi ang hakbang ng pagsusulong ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gamitin ang PPP at iba pang financing mechanism upang mapabilis ang paghahatid ng mga kinakailangang infrastructure project. /Bistado


