Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

DA: Pangamba sa ASF nagpabagsak sa presyo ng baboy

Pangamba sa panibagong outbreak ng African swine fever (ASF), at hindi umano sobrang pagpasok ng imported na baboy, ang pangunahing dahilan sa pagbagsak ng farmgate price ng baboy sa bansa.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., minadali ng maraming hog raiser ang pagbebenta ng kanilang mga alagang baboy bago ang tag-ulan dahil sa takot na muling kumalat ang ASF.

“Noong nakaraang taon, nagkaroon din ng outbreak ng ASF at biglang tumaas nang malaki ang presyo ng baboy,” ani Tiu Laurel.

Umabot aniya noon sa P450 hanggang P490 kada kilo ang liempo, habang nasa P400 kada kilo ang kasim.

Dahil sa mataas na presyo, nagpalaki ng produksyon ang mga hog producer. Ngunit habang papalapit ang tag-ulan, marami ang nagpasiyang ilabas nang mas maaga ang kanilang mga baboy sa merkado dahil sa banta ng ASF.

“Sa halip na malagay sa panganib na tamaan ng ASF, o magkaroon ng outbreak sa katabing farm, gusto nilang ibenta na ang lahat bago sila maapektuhan,” sabi ni Tiu Laurel.

Tinawag ng kalihim na “fastbreak” ang naturang pagbebenta, na nagdagdag sa lokal na suplay at nagpababa sa farmgate price.

Itinanggi rin ng Department of Agriculture (DA) na sobrang pag-aangkat ng baboy ang dahilan ng pagbaba ng presyo.

Tinukoy ni Tiu Laurel ang sitwasyon sa Mindanao, kung saan bumaba rin ang presyo kahit kakaunti lamang ang imported na baboy na pumapasok sa rehiyon. Sa imbestigasyon ng DA, lumitaw na ang maagang pagbebenta ng mga lokal na hog raiser ang pangunahing dahilan ng pagbaba.

Batay sa Philippine Statistics Authority , tumaas ng 5.6 porsiyento ang produksyon ng baboy sa ikalawang quarter ng taon sa 412,280 metriko tonelada.

Kasabay nito, bumagsak nang halos 19 porsiyento ang average farmgate price sa P172.44 kada kilo mula sa P211.91 kada kilo noong nakaraang taon.

Samantala, inaasahan ng Bureau of Animal Industry (BAI) na bababa nang humigit-kumulang 50,000 metriko tonelada ang kabuuang pork imports ngayong taon mula sa 851,760 metriko tonelada noong 2025.

Iniuugnay ito sa mas mataas na lokal na produksyon at mas malaking volume ng inangkat ng mga food processor noong nakaraang taon.

Posible namang muling magbago ang takbo ng industriya matapos aprubahan ng BAI ang commercial rollout ng bakuna kontra ASF.

Ayon kay Tiu Laurel, inaasahang magbibigay ito ng kumpiyansa sa mga hog raiser na palakihin ang kanilang produksyon, patatagin ang lokal na suplay at unti-unting bawasan ang pangangailangan sa imports.

Nagtatayo rin ang pamahalaan ng unang laboratoryo sa bansa para sa paggawa ng ASF vaccine sa Central Luzon State University, na inaasahang matatapos sa susunod na taon.

Inaasahang makatutulong ang lokal na paggawa ng bakuna sa pagpapalakas ng food security at pagbawas sa pag-asa ng livestock industry sa imported na produkto. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles