Ang katatapos na Oriental Mindoro Sports and Youth Summit sa Calapan City ay isang mahalagang hakbang sa paghubog sa kinabukasan ng lalawigan bilang isang regional sports hub.
Sa pagtutulungan ng Philippine Sports Commission (PSC) at pamahalaang panlalawigan, inilatag sa summit ang mga prayoridad na pinagsasama ang imprastraktura, grassroots development at pakikilahok ng kabataan.
Dinaluhan ng ng mga pambansang lider at eksperto sa sports ang summit. Nagbigay din ng mas malalim na pananaw sa mga teknikal na talakayan si PSC Commissioner Fritz Gaston tungkol sa pag-uugnay ng grassroots athletes sa elite sports.
Inilahad ni PSC Chair Patrick Gregorio ang serye ng mga proyekto na naglalayong i-angat ang palakasan sa lalawigan.
Sa tulong ng PSC at World Archery Philippines, malapit nang maging tahanan ang lalawigan ng archery training at mga kompetisyon sa isang ektaryang pasilidad sa loob ng Oriental Mindoro Sports Complex sa Naujan.
Ang lupa ay ipinagkaloob ni Governor Humerlito Dolor.
Inihayag din ni Gregorio ang pagtatayo ng football pitch sa gitna ng track and field oval sa pakikipagtulungan sa Philippine Football Federation at world association FIFA.
Ang archery range at football pitch, na may pinagsamang halagang Php50 milyon, ay ipagkakaloob ng PSC.
Isinusulong ni Gregorio ng adbokasiyang “From Grassroots to Gold, From Gold to Greatness” na misyong hindi lamang tumuklas ng talento kundi linangin ito sa mismong mga komunidad kung saan nagmula ang mga atleta.
“We are building regional training centers all over the country so that athletes can train and compete in their regions without having to uproot themselves and move to Manila. Development must be accessible, and excellence must be cultivated where athletes live and dream,” ani Gregorio.
Para kay Dolor, ang palakasan ay hindi lamang tungkol sa paghahangad ng mga medalya, kundi tungkol sa paghubog ng buhay at mga komunidad.
“There’s no fight in sports. Every time there’s a big game, there’s zero crime. In sports, everybody is peaceful. I see sports as an investment to develop our people not only physically but mentally and emotionally,’’ ani Dolor.
“Sa bawat pisong manggagaling sa PSC at sa national government para sa aming sports facilities, katumbas na halaga ang ilalaan namin upang matiyak na maayos at tuluyang matapos ang mga pasilidad na ito.”
Sa ilalim ng administrasyon ng gobernador, nakapagtayo ang lalawigan ng 27 bagong gymnasium at naipaayos ang 57 pa.
Malaki rin ang mga gantimpala para sa mga atleta, kung saan umaabot sa Php500,000 ang cash incentive para sa mga gold medalist sa mga pambansang torneo.
Ang resulta, lumawak ang bilang ng mga atleta sa 3,300 student athletes noong 2026, na sama-samang nakakuha ng 348 medalya sa Mimaropa (Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) Regional Athletic Association meet. Malaking pagtaas ito mula sa 64 medalya noong 2024 at 207 noong 2025.
“Sports is a vehicle that makes people’s lives worth living. Everybody wins, nobody loses,” ani Dolor.
Lumaki rin ang bilang ng mga kinatawan ng lalawigan sa pambansang kompetisyon, na may 112 qualifiers sa Palarong Pambansa, mula sa 45 noong 2023 at 90 delegado sa Batang Pinoy Games 2025, kumpara sa 32 lamang noong 2023.
Upang higit pang palakasin ang mga grassroots program, nagbigay ang PSC ng mga bagong kagamitang pang-sports para sa table tennis, badminton, basketball, volleyball at football, upang matiyak na may sapat na kagamitan ang mga batang atleta.
Inihayag din ni Dolor ang mga plano para sa isang swimming pool, softball at baseball fields sa loob ng Naujan complex.
Patuloy din namumuhunan ang lalawigan sa mga inter-collegiate at inter-town tournament, na nagpapatibay sa community-based sports bilang pundasyon sa pagtuklas ng mga bagong talento.
Ito ay mga puhunan — hindi gastusin — na naglalayong suportahan ang pangmatagalang pag-unlad ng mga atleta, ayon pa kay Dolor.
“Grassroots programs must be the foundation, but they cannot remain the ceiling. Our challenge is to transform local talent into national champions, and national champions into global contenders. That is the journey from grassroots to gold, and from gold to greatness,” ani Gregorio.


