Nanawagan ang Department of Education sa Western Visayas na gawing simple ngunit makahulugan ang pagtatapos ng mga mag-aaral ngayong School Year 2025–2026.
Itinakda ang end-of-school-year rites sa March 30 o March 31 para sa mga paaralan sa rehiyon.
Sa datos ng DepEd, kabuuang 170,767 mag-aaral sa Western Visayas mula Grade 6 at Grade 12 ang magtatapos ngayong taon. Samantala, 159,642 naman na mga mag-aaral mula Kindergarten at Grade 10 ang sasailalim sa moving-up ceremonies.
Sinabi ni DepEd-6 Chief Education Supervisor Donald Genine na ang mga seremonya ay dapat sumunod sa Memorandum 15, series of 2026, na naghihikayat sa mga paaralan na gawing simple ang pagdiriwang ng pagtatapos.
“No extravagance. Schools should avoid excessive spending, extravagant attire, or extraordinary venues,” pahayag niya sa isang press conference.
Nakasentro ang pagdiriwang sa temang “Filipino Graduates Prepared to Give with Competence and Character.”
Binibigyang diin din sa patakaran na walang sinuman ang pinapayagang mangolekta ng anumang bayarin o kontribusyon mula sa mga guro at mag-aaral para sa graduation rites.
Ipinaliwanag naman ni DepEd-6 Director Cristito Eco na ang gastusin para sa programa tulad ng sound system, medals at iba pang pangangailangan ay dapat sagutin ng paaralan.
“Sound system, medals, all other expenses for the graduation or closing exercises should be charged to the school. That is allowed in the MOOE,” ani Eco, na tumutukoy sa miscellaneous and other operating expenses ng mga paaralan.
Ayon sa DepEd, layunin ng simpleng seremonya na manatiling makahulugan ang pagtatapos para sa mga mag aaral habang pinapangalagaan ang diwa ng pagdiriwang sa susunod na yugto ng kanilang edukasyon. /Bistado


