Umabante sa ikalawang round ng US Open sa ikalawang sunod na taon si Alexandra “Alex” Eala matapos ang 6-1, 6-2 na panalo laban sa American qualifier na si Mary Stoiana Martes ng gabi (Miyerkules ng umaga sa Pilipinas).
Sa harap ng malaking crowd sa Louis Armstrong Stadium ng USTA Billie Jean King National Tennis Center sa New York, nagligtas si Eala ng dalawang break point sa unang game at rumatsada sa 5-0 kalamangan.
Ang 23-anyos na si Stoiana, na naglalaro sa unang pagkakataon sa main draw ng isang Grand Slam, ay nakapuntos sa ikaanim na game, ngunit hindi na nagbigay ng pagkakataon si Eala at hawak ang serve nang walang puntos na naibigay upang isara ang unang set.
Muli na namang humarap si Eala sa mga break point sa kanyang unang dalawang service game sa second set, ngunit nailigtas niya ang mga ito.
Matapos ang break para sa 3-2 kalamangan, hindi na siya lumingon pa at tinapos ang laban sa loob ng isang oras at 17 minuto.
“I’m very happy with my level today,” ani Eala sa post-match press conference. “It’s never easy, especially in the first round of a tournament — of the US Open nonetheless — and I think Mary has been having some good weeks. So yeah, I’m super happy.”
Ang mahalagang istatistika para kay Stoiana ay ang kanyang conversion rate sa break point. Hindi niya nagawang samantalahin ang alinman sa anim niyang pagkakataon sa break point, habang apat naman sa walong break-point opportunities ang na-convert ni Eala.
Nagpapatuloy ang panalo ni Eala sa kanyang magandang kampanya sa North American hard-court swing, na tampok ang kanyang pagkakapanalo ng titulo sa Washington, D.C.
Nakapagtala na siya ngayon ng siyam na panalo sa kanyang huling 11 laban sa hard court mula Wimbledon, kung saan unang beses niyang umabot sa fourth round ng isang Grand Slam.
Makakaharap ng world No. 18 na Pilipina si Oleksandra Oliynykova ng Ukraine sa ikalawang round Biyernes ng madaling araw (oras sa Pilipinas) sa Louis Armstrong Stadium muli.
Tinalo ni world No. 46 Oleynikova ang American wild card na si Reese Brantmeier, 6-4, 6-4, sa unang round.
May 1-0 bentahe rin si Oliynykova laban kay Eala sa kanilang head-to-head sa WTA Tour matapos niyang manalo sa tatlong sets sa Strasbourg Open sa France, 3-6, 7-5, 6-3, noong Mayo 18.
“It was a really good match. Very intense, quite tight,” pag-alala ni Eala.
“Looking back at that match, there are a lot of things that I could have done better. It’s been a couple of months. I think I’ve developed a lot in said months. So all I can do is come into that match with the same mindset as today — the same mindset or an even better mindset than I’ve had these past couple of weeks — and try to do my best.”


