Tataas ng 46 percent ang proposed budget ng Commission on Elections (Comelec) sa 2027 habang pinaiigting ang paghahanda para sa 2028 National and Local Elections (NLE).
Sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program (NEP), P29.50 billion ang panukalang budget ng Comelec, mas mataas ng P9.31 billion mula sa P20.20-billion allocation nito sa 2026 General Appropriations Act (GAA).
Kung ikukumpara sa P11.85 billion na proposed budget sa 2026 NEP, mas mataas naman ito ng P17.65 billion o 149 percent.
Pinakamalaking bahagi ng proposed budget, P23.92 billion, ang mapupunta sa Preparatory National and Local Elections (PNLE) para sa 2028 polls. Mas mataas ito sa P2.87 billion na inilaan ngayong 2026 matapos sabihin ng Comelec na kailangang simulan ang paghahanda dalawang taon bago ang halalan.
Ang P23.92-billion na proposed PNLE allocation ay humigit-kumulang P3 billion o 14 percent na mas mataas kaysa sa aktuwal na ginastos para sa paghahanda sa 2025 National and Local Elections.
Bilang miyembro ng Constitutional Fiscal Autonomy Group (CFAG), may fiscal autonomy ang Comelec sa ilalim ng Konstitusyon. Ang approved annual appropriations nito ay awtomatiko at regular na nire-release alinsunod sa umiiral na batas, rules, at regulations.
Maaari ring gamitin ng Comelec ang available appropriations nito at, alinsunod sa constitutional at statutory requirements, gamitin ang savings upang punan ang kakulangan sa ibang budget items. /Bistado


