Binira ng mga mambabatas ng Makabayan bloc ang panukalang P7.2-trilyong pambansang badyet para sa 2027 dahil umano sa patuloy na pagpasok ng “pork barrel,” kabilang ang bilyon-bilyong pisong pondong inilaan para sa mga lokal na pamahalaan.
Kinuwestiyon ni ACT Teachers Rep. at Deputy Minority Leader Antonio Tinio ang pamamahagi ng special allotment release orders (SAROs) sa mga lokal na opisyal at ang paglobo ng Financial Assistance to Local Government Units sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF).
Batay sa opisyal na 2026 General Appropriations Act, umabot sa P37.49 bilyon ang naturang financial assistance—P32.49 bilyong mas mataas sa P5 bilyong nakapaloob sa orihinal na National Expenditure Program.
Nasa P57.87 bilyon naman ang opisyal na kabuuang LGSF para sa 2026. Salungat ito sa pahayag ni Tinio na umabot sa P68 bilyon ang kabuuang pondo.
“It is true that the 2027 budget is flooded with pork barrel funds. Now, they also have SARO pork barrel giveaways too. Clearly, this is a vehicle for congressional insertions and the patronage politics that come with it,” ani Tinio.
Iginiit niyang maaaring gamitin ang pondo para sa mga congressional insertion at sistemang padrino sa pamamahagi ng mga proyekto.
Para sa 2027, P58.32 bilyon ang panukalang LGSF — ang pinakamalaking alokasyon nito sa kasaysayan, ayon kay League of Municipalities of the Philippines national president at Echague, Isabela Mayor Faustino Dy V.
Tiniyak naman ng liga na may “strict safeguards” ang Department of Budget and Management upang patas na maipamahagi ang pondo sa mga lalawigan, lungsod at munisipalidad anuman ang kanilang political affiliation.
Samantala, wala pang 20 minuto nang aprubahan ng House Committee on Appropriations ang P10.156-bilyong panukalang badyet ng Office of the President para sa 2027, bunsod umano ng institutional at inter-branch courtesy.
Kasama rito ang P4.55 bilyon para sa confidential at intelligence funds—P2.25 bilyon para sa confidential expenses at P2.3 bilyon para sa intelligence expenses. Halos 45 porsiyento ito ng buong panukalang badyet ng tanggapan at kapantay ng alokasyon nito noong 2026.
Ipinaliwanag ni Executive Secretary Ralph Recto na 64 porsiyentong mas mababa ang hinihinging pondo ng Office of the President kumpara noong 2026 dahil sa mas maliit na operational requirements at pagkumpleto ng mga aktibidad kaugnay ng pagho-host ng bansa sa Association of Southeast Asian Nations Summit.
Nais sana ni Tinio na ipaliwanag pa ng Palasyo kung bakit halos kalahati ng badyet nito ang mapupunta sa confidential at intelligence expenses, ngunit agad tinapos ng komite ang deliberasyon at interpellation. /Bistado


