Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Ex-DPWH Sec. Bonoan, inalis ng Sandiganbayan na akusado sa graft case ni Jinggoy

Inalis ng Sandiganbayan Fifth Division si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa mga kasong plunder at graft laban kay Sen. Jinggoy Estrada at tatlong dating opisyal ng ahensya—isang desisyong nagbubukas sa paggamit sa kanya bilang state witness sa umano’y P573.75-milyong kickback scheme.

Sa botong 2-1, pinayagan ng anti-graft court ang prosekusyon na amyendahan ang mga sakdal sa E-SB26CRM0005 at E-SB26CRM0006 at tanggalin si Bonoan bilang akusado.

“We grant the motion for leave of court to amend the Informations,” nakasaad sa resolusyong inilabas noong Setyembre 1.

Binawi rin ng Fifth Division ang warrants of arrest at hold-departure order laban kay Bonoan sa dalawang kaso. Pinayagan din siyang bawiin ang kanyang motions to quash na inihain noong Hunyo 4 at 23.

Itinakda naman ang arraignment ni Estrada sa September 3, alas-8:30 ng umaga.

Hindi saklaw ng desisyon ang hiwalay na graft case na E-SB26CRM0004 sa Sandiganbayan Second Division. Noong Agosto 3, tinanggihan ng Second Division ang kaparehong kahilingan ng prosekusyon na alisin si Bonoan sa kasong iyon.

Sa inamyendahang plunder information, inaakusahan sina Estrada, dating assistant district engineer Denryl Caesar Sanchez Cortuna, dating district engineer Manny Bumagat Bulusan at dating district engineer Arturo Lombres Gonzales Jr. ng umano’y pagkamal ng P573.75 milyon mula Hulyo 2024 hanggang Marso 2025.

Kasama rito ang sinasabing P360-milyong “commitment” o 25-percent kickback kaugnay ng P1.45-bilyong infrastructure at flood-control projects sa National Capital Region at Occidental Mindoro.

May hiwalay ding alegasyon ng P88.75 milyon mula sa mga proyekto sa Bulacan First District Engineering Office at P125 milyon mula sa Bulacan Third District Engineering Office, o kabuuang P213.75 milyon.

Ayon sa sakdal, ang mga proyekto ay umano’y naipasok sa National Expenditure Program (NEP), House General Appropriations Bill (HGAB), Bicameral Conference Committee Report (BICAM) at General Appropriations Act (GAA) para sa 2025.

Noong Hunyo 5, humiling si Bonoan sa Office of the Ombudsman na alisin siya sa dalawang kaso at nag-alok na magbigay ng impormasyon, testimonya at iba pang ebidensya tungkol sa pagpaplano, pagpopondo, paglalaan at pagpapatupad ng mga pambansang proyektong pang-imprastraktura noong siya ang DPWH secretary.

Sa resolusyon nito noong Hunyo 11, sinabi ng Ombudsman na ang kanyang kooperasyon ay mahalaga upang “uncover the architecture that may have set the entire machinery in motion.”

Sinang-ayunan ng majority ang pagtatasa ng Ombudsman na may natatanging kaalaman si Bonoan sa mga pasyang may kinalaman sa pagbuo ng mga proyekto at pambansang badyet.

“Bonoan is so uniquely situated that he can explain how projects were identified in agency planning and then included in legislative appropriations,” ayon sa ruling.

Para sa majority, sakop ng prosecutorial discretion ng Ombudsman ang pagpapasya kung sino ang kakasuhan at sino ang gagamiting state witness. Tinukoy rin nito ang kapangyarihan ng Ombudsman sa ilalim ng Republic Act No. 6770 na direktang magbigay ng immunity, alinsunod sa mga kaugnay na probisyon ng Rules of Court.

Itinuring ng Fifth Division na pormal lamang ang mga amyenda at hindi binago ang sentrong teorya ng prosekusyon. Ang tatlong dating opisyal ng DPWH ay na-arraign na noong Hunyo 4 at naghain ng not-guilty pleas, habang hindi pa naaarraign sina Estrada at Bonoan nang hilingin ang pagbabago.

Iginiit ng mga akusado na maaaring maapektuhan ang kanilang depensa kapag ang dating kapwa akusado ay naging saksi ng gobyerno. Ngunit sinabi ng majority na maaari pa rin nilang itanggi ang alegasyon ng sabwatan at kuwestiyunin si Bonoan sa pamamagitan ng cross-examination.

Nag-dissent naman si Associate Justice Gener Gito. Para sa kanya, hindi absolute ang discretion ng Ombudsman at kailangang sumunod sa Rules of Court at sa mga pananggalang sa karapatan ng mga akusado.

“Besides, if there is prima facie evidence with reasonable certainty of conviction on the part of Bonoan, why discharge him in the first place?” tanong ni Gito.

Iginiit din niya, hindi lamang pormal, ang mga amyenda dahil binabago ng mga ito ang papel ni Bonoan mula sa sinasabing kasabwat tungo sa cooperating witness. Bumoto siyang ibasura ang mosyon ng prosekusyon.

Samantala, sinabi ni Estrada na pag-aaralan at gagamitin niya ang mga legal na remedyo laban sa desisyon.

“While I respect the decision of the Sandiganbayan, I wish to emphasize that there remain legal remedies available to me under our judicial system, which my legal team will carefully study and pursue at the appropriate time,” aniya. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles