Naghahanap ang Department of Agriculture (DA) at Department of Energy (DOE) ng mas mura at iba’t ibang feedstock para mapalakas ang local bioethanol production at maging mas competitive ito laban sa imported fuel.
Tinalakay nina Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at Energy Secretary Sharon Garin ang pagpapababa sa feedstock costs, paggamit sa idle capacity ng distilleries, at posibleng pagtaas ng ethanol blend mula 10 percent sa 15 percent.
Kabilang sa pinag-aaralang feedstock ang molasses, katas ng tubo, at local corn.
“Maingat nating pinag-aaralan ang mga opsyong ito, at may potensiyal ang mga ito na makatulong sa pagpapababa ng presyo ng gasolina,” ani Tiu Laurel.
Hamon pa rin ang presyo dahil ayon sa mga opisyal, doble ang halaga ng locally produced bioethanol kumpara sa imported bioethanol. Sa bawat pagtaas ng feedstock price, maaaring madagdagan ng humigit-kumulang P1 ang ethanol price.
Tinitingnan ang local corn bilang pangunahing alternatibo sa sugar-based feedstock. Ayon kay Tiu Laurel, sapat ang supply ng mais, pero kailangang maging mababa ang presyo nito para maging commercially viable ang ethanol production.
Nasa 325 million hanggang 385 million liters kada taon ang local ethanol production mula sa sugar-based feedstock, habang mahigit 500 million liters ang kapasidad ng existing plants.
Para hindi maapektuhan ang sugar industry, idle production capacity lamang ang planong punan gamit ang mais.
Pinag-aaralan din ng DA ang better seeds, mechanization, at contract farming sa pagitan ng corn producers at ethanol plants. Ang mais ay maaaring anihin sa loob ng 90 hanggang 110 araw at ang byproduct nitong DDGS ay maaari pang gamitin bilang protein source sa animal feed.
Binabantayan naman ng DA ang posibilidad na itulak ng ethanol demand pataas ang presyo ng mais, na pangunahing sangkap din ng livestock feeds.
Tinitingnan din ang palm oil bilang posibleng long-term feedstock para sa biodiesel at aviation fuel, bagama’t aabutin ng humigit-kumulang tatlong taon bago maging fully productive ang plantations.
Samantala, sumasailalim na sa public consultation ang draft Philippine National Standard para sa bioethanol. /Bistado


