Pumalag ang Child Rights Network (CRN) sa panukalang total social media ban para sa mga batang wala pang 16-anyos.
Iginiit ng grupo na mas dapat gawing ligtas ang digital platforms kesa basta ipagbawal ang mga ito sa kabataan.
“Banning children from social media does not protect them from unsafe environments. Making the environments safer is what protects them,” saad ng grupo.
Kinikilala ng CRN na mabuti ang layunin ng mga mambabatas na nagsusulong ng pagbabawal. Gayunman, maaari umanong ipasa lamang nito sa mga bata at kanilang pamilya ang responsibilidad sa pagharap sa online harm habang hindi napapanagot ang mga sistemang lumilikha ng panganib.
Ayon sa network, bahagi na ng pang-araw-araw na buhay ang digital environment—ginagamit sa pag-aaral, komunikasyon at pagpapahayag ng sarili. May karapatan din dito ang mga bata, kabilang ang development, protection at participation.
“Children, just like adults, have digital rights – and the government must put the best interests of the child at the heart of every decision affecting those rights,” ayon sa CRN.
Tinukoy ng grupo ang General Comment No. 25 na pinagtibay ng United Nations (UN) Committee on the Rights of the Child noong 2021. Ipinaliliwanag nito kung paano umiiral sa digital environment ang UN Convention on the Rights of the Child, kung saan State Party ang Pilipinas.
Para sa CRN, kailangan ang mas malawak na tugon. Dapat turuan ang mga bata na makilala ang online risks, humingi ng tulong at lumapit sa pinagkakatiwalaang nakatatanda.
Dapat naman umanong bumuo ang mga magulang ng tahanang malayang makapagtatanong ang mga bata nang walang takot na husgahan. May papel din ang mga paaralan sa pagtuturo ng ligtas na paggamit ng internet.
“I don’t think banning social media for everyone under 16 is the best solution because it is already part of how many students learn and express themselves,” pahayag ng isang child representative mula sa Batang Juan Network, miyembro ng CRN.
“Instead of a ban, schools could teach digital citizenship, online safety, and how to report cyberbullying and online abuse,” dagdag nito.
Binanggit din ng CRN ang under-16 social media restriction ng Australia. Ayon sa grupo, natuklasan sa isang independent study na halos 86% ng mga respondent na wala pang 16-anyos ay gumagamit pa rin ng kahit isang platform na sakop ng restriction.
“A blanket social media ban mistakes restriction for resolution,” saad ng CRN, na tinawag itong simplistikong tugon sa isang komplikadong problema.
Hinimok ng network ang mga mambabatas na direktang konsultahin ang mga bata bago pagpasyahan kung paano kokontrolin ang kanilang digital lives.
“We ask, in all these debates and proposed resolutions about a social media ban: Where are the voices of our children?” ayon sa grupo. /Bistado


