Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Guwardiyang sangkot sa viral incident sa PWD, suspendido

Isinailalim sa preventive suspension ang security officer na napanood sa viral video na kinasasangkutan ng isang person with disability (PWD) sa sangay ng National Book Store (NBS) sa SM North EDSA, Quezon City.

Kinumpirma ito ng National Council on Disability Affairs (NCDA), na nagpadala ng tauhan upang kausapin ang pamunuan ng bookstore at alamin ang mga pangyayari.

Ayon sa konseho, “the security officer in the viral video is on preventive suspension while the security agency will conduct inquiry about the said incident.”

Ibibigay din sa NCDA ang kumpletong incident report ng security agency kapag handa na ito.

Sa pakikipag-usap sa bookstore management, sinabi umanong ilang beses nang nagtangkang kumuha ng paninda at ilagay ito sa bag ang naturang PWD.

“It was confirmed that an individual with a disability attempted to take items and put it in bag on multiple occasions,” saad ng NCDA.

Ilang tauhan din umano ng NBS ang nag-ulat ng magkakahiwalay na insidenteng nanakit ang indibidwal ng mga security guard at empleyado ng tindahan. Gayunman, nananatiling mga alegasyon ang mga ito habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon.

Iginiit naman ng bookstore management na hindi nito diniskrimina o pinagbawalang pumasok sa tindahan ang naturang PWD.

“A management officer stated they have not discriminated against this person and have not banned them,” ayon sa NCDA.

Inirekomenda ng konseho na beripikahin ang buong pangalan ng indibidwal sa pakikipag-ugnayan sa Persons with Disability Affairs Office upang matukoy ang posibleng interbensiyon.

Binigyang-diin ng NCDA na ang pagiging PWD ay hindi nag-aalis ng pananagutan sa ilalim ng batas. Kasabay nito, dapat dumaan sa tamang legal na proseso ang anumang paratang.

“NCDA emphasizes that all persons, including those with disabilities, are equal under the law and responsible for their actions. Illegal acts like theft must go through legal channels with due process.”

Nagbabala rin ang konseho laban sa paghusga sa buong sektor ng PWD dahil lamang sa isang insidente.

“NCDA warns against stereotyping persons with disabilities based on a single incident. Most persons with disabilities are law-abiding and contribute positively to society. The public is urged to avoid discrimination and profiling.”

Pinaalalahanan din nito ang mga establisimyento na tiyakin ang due process, patas na pagtrato at pakikipag-ugnayan sa law enforcement. Dapat maging makatwiran, walang diskriminasyon at may paggalang sa dignidad ang mga security measure.

Patuloy na imo-monitor ng NCDA ang kaso upang matiyak na walang diskriminasyon o impunity na mananaig.

“Justice and inclusion are not opposing values; they go hand in hand,” giit ng NCDA. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles