Nagtapos sa ika-limang puwesto sa Diamond League Weltklasse Zürich sa Switzerland si Ernest John “EJ” Obiena nitong Byernes (oras sa Pilipinas) — katumbas ng isang entry slot sa 2027 Beijing World Championships
Maganda ang naging simula ni Obiena matapos niyang malampasan ang 5.5 meter at 5.65 meter sa tig-iisang pagtatangka lamang.
Gayunpaman, naka-tatlong tangka siya sa 5.80m.
Agad namang nalampasan ni Obiena ang sumunod na 5.90m sa isang pagtatangka lamang, na naging kanyang ikalawang pinakamataas na naabot ngayong season.
Sinubukan niyang itaas ang bar sa 6.00m ngunit nabigo sa lahat ng tatlong pagtatangka.
“5.90m here in Zurich Thank you @weltklassezurich for always hosting such a wonderful competition,” pahayag ni Obiena sa social media.
“PS: With this I also qualified for next year’s World Championship[s]).”
Nasungkit ng two-time Olympic gold medalist at world No. 1 na si Mondo Duplantis ng Sweden ang ginto matapos malampasan ang outdoor world lead na 6.25m.
Nakuha ni 2024 Paris Olympics bronze medalist na si Emmanouil Karalis ang pilak matapos magtala ng Greek record na 6.20m sa isang pagtatangka lamang, na nalampasan ang kanyang dating season-best na 6.17m.
Kapwa sinubukan nina Karalis at Duplantis na magtala ng bagong world record sa pamamagitan ng paglampas sa 6.32m, ngunit kapwa nabigo sa lahat ng tatlong pagtatangka.
Si Sondre Guttormsen ng Norway ang nag-uwi ng tanso matapos malampasan ang 6.00m.
Puspusan pa rin ang paghahanda ni world No. 12 Obiena para ipagtanggol ang kanyang titulo sa Nagoya Asian Games sa susunod na buwan.
Nakawalong ginto na siya ngayong taon, ang huli nang lumundag ng 5.91m sa Golden Sand Competition sa Miedzyzdroje, Poland.


