Nakamit ng Ateneo de Manila University Blue Eagles ang kanilang ikalawang panalo sa UAAP Season 88 men’s baseball tournament matapos talunin ang University of Santo Tomas Golden Sox, 10–9, sa laro ngayong March 11 sa Rizal Memorial Baseball Stadium sa Maynila.
Sumabog ang opensa ng Ateneo sa fourth inning kung saan nakapagtala sila ng seven-run rally. Nanatili rin silang matatag sa huling limang inning ng laro para itaas ang kanilang win-loss record sa 2–2 at makuha ang ikatlong puwesto sa standings.
Bumangko ang Ateneo kina Joaquin Mariano, Daniel Fabella, Anton Odulio at Mariano para makabuo ng seven-run lead sa naturang inning.
Tinapos ni Mariano ang inning gamit ang kaisa-isa niyang hit sa game, na siya namang nagpasok kina Zane Prades, Odulio at Angelo Bernardo sa home plate.
Ayon kay Ateneo head coach Pepe Jose, naging mahalaga ang determinasyon ng koponan lalo na sa pitching rotation na dati nilang kinaharap na hamon.
“What our coaches really talked about was that we were having problems with the pitching rotation. Now, we really poured it in today, because we really needed a win. We really used our veterans, I mean, it was just the first inning, it was like the ninth inning. It was like we didn’t have any relaxation,” ani Jose.
Sa pitching side, si Joshua de Juras ang pumalit sa mound kay Mikaelo Osorio at tumulong para mapigilan ang Golden Sox na makapuntos sa loob ng anim na inning.
Si Osorio ang naitalang winning pitcher matapos payagan ang apat na earned runs mula sa apat na hits at nakapagtala rin ng anim na strikeouts. Si De Juras naman ang nakakuha ng save matapos payagan ang dalawang earned runs mula sa apat na hits.
Susunod na haharapin ng Ateneo ang University of the Philippines sa isang rescheduled game sa Linggo, alas-8 ng umaga, sa Rizal Memorial venue. /Bistado


