Sinuspinde ng Malacañang ang klase sa lahat ng antas sa public at private schools at trabaho sa government offices sa Metro Manila at 16 probinsya simula alas-1 ng hapon ngayong Biyernes, August 28, dahil sa masamang panahon.
Sa Memorandum Circular No. 132 na nilagdaan ni Acting Executive Secretary Ralph G. Recto sa awtoridad ng Pangulo, ipinatupad ang suspension kasunod ng rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Inaasahan ang higit pang paglakas ng Southwest Monsoon o Habagat dahil sa Low Pressure Area (LPA) na pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Bukod sa Metro Manila, suspendido ang government work at classes sa Abra, Benguet, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Zambales, Batangas, Cavite, Rizal, Oriental Mindoro, at Occidental Mindoro.
Hindi kasama sa suspension ang mga ahensyang nagbibigay ng basic at health services, disaster preparedness at response, at iba pang vital services. Tuloy ang kanilang operasyon.
Maaari ring magpatupad ang local chief executives ng localized suspension ng klase at government work sa ibang lugar alinsunod sa umiiral na batas, rules, at regulations.
Para naman sa private sector, nasa discretion ng management kung magsususpinde ng trabaho o magpapatupad ng alternative work arrangements.
Kasabay nito, nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) sa malakas na ulan dulot ng Habagat.
Mula ngayong araw hanggang Sabado ng tanghali, August 29, posibleng makaranas ng 100 hanggang 200 millimeters na ulan ang La Union, Benguet, Bataan, Zambales, at Occidental Mindoro.
Nasa 50 hanggang 100 millimeters naman ang inaasahan sa Ilocos Sur, Pangasinan, Abra, Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Rizal, Cavite, Batangas, at Oriental Mindoro.
Mula Sabado hanggang Linggo ng tanghali, posibleng umabot sa 100 hanggang 200 millimeters ang ulan sa Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Benguet, Zambales, at Bataan.
Sa Sunday noon hanggang Monday noon, August 31, nasa 100 hanggang 200 millimeters naman ang forecast sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Abra, Benguet, at Zambales.
Ayon sa Pagasa, maaaring mas mataas pa ang rainfall sa mountainous at elevated areas, habang maaaring lumala ang epekto sa mga lugar na nakaranas na ng significant antecedent rainfall. /Bistado


