SULU – Palalakasin ng Sulu ang road at transport infrastructure nito kasunod ng paglipat ng probinsya sa direct administration ng Zamboanga Peninsula o Region 9.
Kabilang sa mga prayoridad ang farm-to-market roads, port facilities, at airport infrastructure para mapahusay ang connectivity, market access, at livelihood opportunities ng mga residente.
Sa isang panayam, sinabi ni Vice Governor Abdusakur Tan na umaasa ang provincial government sa mas malaking suporta mula sa national government.
“Gusto namin support infrastructure like mga roads natin going to mga farm-to-market,” sabi ni Tan.
Binigyang-diin din niya ang pagpapalawak ng port facilities at pag-upgrade ng runway upang makapagsilbi sa mas malalaking sasakyang-pandagat at mapahusay ang koneksyon ng Sulu sa major markets gaya ng Cebu, Davao, at Manila.
Sa mas maayos na port connectivity, inaasahang mas madaling maibebenta sa mas malawak na merkado ang mga produkto mula Sulu. Maaari ring direktang makapasok sa probinsya ang groceries, construction materials, at iba pang produkto, na posibleng magpababa sa transportation costs at dependence sa Zamboanga City.
Para kay Tan, hindi lamang infrastructure ang pakinabang ng mga proyekto dahil maaari rin itong magbukas ng mas maraming pagkakataon sa kabuhayan at negosyo.
“Gusto naming maging talagang free ang tao namin,” sabi niya.
Layunin aniya ng provincial government na mabigyan ang mga residente ng pagkakataong kumita gamit ang kanilang sariling skills at enterprises sa halip na umasa lamang sa government employment.
Ngayong nasa ilalim na ng Region 9 ang Sulu, umaasa si Tan na ang mas malapit na ugnayan sa national government agencies at access sa kanilang resources ay makatutulong para mapabilis ang development ng probinsya.
Hangad din ng provincial government na maging modelo ng progreso ang Sulu sa tuloy-tuloy na suporta ng national government, local communities, at mga residente nito. /Bistado


